MANILA, Philippines- Inaasahang bababa ang presyo ng galunggong matapos ang kalusin ang closed fishing season sa Palawan, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Biyernes.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public interview, sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na binuksan ang fishing ground sa Palawan nitong Huwebes matapos ang tatlong buwang pagsasara para sa conservation measure.
“Inaasahan na po natin na sa mga susunod na linggo ay itaas na ang unloading natin ng galunggong sa ating pamilihan,” wika ni Briguera.
“Kapag nag-improve na ang supply ng ating locally produced galunggong inaasahan po natin na bababa na rin ang presyo nito,” dagdag niya.
Nagsimula ang closed fishing season para sa “galunggong” sa Palawan noong Nobyembre 1, 2023.
Ipinagbawal din ang sardines, herring, at mackerel fishing sa Visayan Sea, maging sardine fishing sa Zamboanga Peninsula, mula November 15, 2023 hanggang February 15, 2024.
Upang ibsan ang epekto ng closed fishing season, nauna nang sinabi ni Briguera na balak ng gobyerno na mag-angkat ng hindi bababa sa 35,000 metric tons ng isda- galunggong, mackerel, bonito, at moonfish.
Ititigil ang importasyon sa fishing season. RNT/SA