MANILA, Philippines- Inirekomenda ng Batangas Provincial Prosecutor Office na ilipat ang preliminary investigation sa pagkawala ng beauty pageant contestant na si Catherine Camilon sa Regional State Prosecutor sa Calabarzon, ayon sa mga pulis nitong Biyernes.
Sinabi ni Police Colonel Jacinto Malinao Jr., hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Calabarzon, na inirekomenda ng Batangas prosecutor recommended ang paggawad ng motion to inhibit na inihain ng kanyang unit at ng kampo ni Camilon.
“The preliminary investigation was turned over to the [Department of Justice] Regional State Prosecutor 4A,” mensahe ni Malinao.
Naghain ang mga pulis at kampo ni Camilon noong Enero ng motion to inhibit, dahil umano sa posibleng impluwensya ng legal counsel ni Jeff Magpantay, na isa sa mga suspek sa kidnapping at serious illegal detention complaints.
Anila, ang abogado ni Magpantay ay dating assistant provincial prosecutor sa Batangas at dating presiding judge ng Regional Trial Court-Branch 86 sa bayan ng Taal.
Naghain na ngreklamo laban sa sinibak na pulis na si Allan de Castro, kanyang driver-bodyguard na si Magpantay, at dalawang John Does sa pagkawala ni Camilon.
Kamakailan, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na pinalaya si De Castro mula sa police custody kasunod ng pagpapatalsik sa kanya sa serbisyo.
Matatandaang nag-post ang kapatid ni Camilon na si Chin-chin sa social media upang humingi ng tulong sa netizens na mahanap ang kanyang kapatid. Makalipas ang limang araw, opisyal na idineklara si Camilon bilang “missing person.”
Ayon sa mga awtoridad, nakipag-ugnayan ang malapit na kaibigan ni Camilon kay Chin-Chin at sinabi sa kanya ang umano’y relasyon sa pagitan ng beauty queen at ni De Castro.
Naiulat na si De Castro ang kakatagpuin ni Camilon sa mismong araw ng kanyang pagkawala. Mariin itong itinanggi ni De Castro.
Batay sa impormasyon ng mga pulis, si De Castro umano ang nagbigay kay Camilon ng sasakyan kung saan siya nakita nang umalis siya ng kanyang bahay.
Makikita naman sa CCTV footage na kuha noong October 12 na dumaan ang sasakyan ni Camilon sa ilang bayan sa Batangas. Anang mga pulis, tila may kasama si Camilon.
Lumitaw naman ang mga saksi na nagsabing nakita nila si Camilon na duguan at inilipat mula sa kanyang kotse patungo sa isa pang sasakyan noong October 12. Nakita rin umano ng mga saksi si Magpantay sa lugar.
Tumugma rin ang hibla ng buhok at dugo na narekober sa sasakyan sa DNA profile ng mga magulang ni Camilon.
Nag-aalok naman ng pabuyang P250,000 para sa impormasyon ukol sa lokasyon ni Camilon, kung saan galing ang pondo kina Batangas Vice Governor Mark Leviste, Presidential Anti-Organized Crime Commission, at sa business sector.
Bagama’t hindi pa natatagpuan si Camilon, nauna nang sinabi ng mga imbestigador na maaaring patay na ito base na rin sa salaysay ng mga saksi. RNT/SA