Home HOME BANNER STORY Presyo ng langis, sisirit muli sa susunod na linggo

Presyo ng langis, sisirit muli sa susunod na linggo

212
0

MANILA, Philippines – Posibleng sumirit muli ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan aabot umano sa ₱0.60 kada litro ang dagdag sa diesel, bunsod ng umiinit na tensyon sa pagitan ng United States at Iran.

Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, batay sa galaw ng Asian benchmark at foreign exchange nitong Huwebes, inaasahang tataas ang diesel ng ₱0.40 hanggang ₱0.60 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring madagdagan ng hanggang ₱0.10 kada litro.

Paliwanag ni Bellas, ang inaasahang oil price adjustment ay dahil sa lumalalang isyu sa pagitan ng US at Iran, at pinangangambahan ang posibleng pagkaantala ng suplay ng langis sakaling sumiklab ang mas matinding sigalot.

Dagdag pa niya, pumalo ng mahigit 5% ang itinaas ng presyo sa Mean of Platts Singapore (MOPS) mula noong Feb. 16 settlement, dahil sa pangamba sa military activities sa rehiyon at sa posibilidad ng opensiba ng US laban sa Iran.

Bagama’t bahagyang natapyasan ang presyo ng gasolina sa MOPS dahil sa sapat na imbentaryo sa rehiyon, nabawi naman ito ng tumataas na freight cost at premium na dulot ng geopolitical risks — kaya nabura ang tsansa ng rollback.

Bahagyang pampalubag-loob naman umano ang pagpalag ng piso kontra dolyar, na umabot sa 57-level laban sa US dollar, na nakatulong para hindi tuluyang sumirit pa ang lokal na presyo.

Sa nakalipas na anim na linggo, tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. Nitong linggo lamang, nadagdagan ng ₱1.20 kada litro ang gasolina at ₱0.60 kada litro ang diesel at kerosene.

Kung tuloy-tuloy ang girian sa Middle East, asahan na namang iiyak ang mga motorista sa panibagong dagdag-singil sa petrolyo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here