MANILA, Philippines – Apat na respondent ang idinagdag sa kasong plunder na nakabinbin sa Department of Justice (DOJ) laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez nitong Biyernes, Pebrero 20, dating mga inhinyero ang mga nadagdag na respondent mula sa Department of Public Works and Highways-National Capital Region (DPWH-NCR).
Kinilala sila bilang sina Denryl Caesar S. Cortuna, Manny B. Bulusan, Ruel V. Umali, at Arturo L. Gonzales Jr.
Ang pagdaragdag sa apat na respondent ay hiningi ng National Bureau of Investigation (NBI), ang complainant sa kaso, noong Pebrero 18, aniya.
Ayon pa kay Martinez ang apat na nadagdag ay isinama sa mosyon ng NBI na maisama bilang respondent sa kaso.
Bukod kay Revilla, ang tatlong orihinal na co-respondents ay sina dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo, dating DPWH Bulacan First District engineer Henry C. Alcantara, at DPWH Regional Director Gerard P. Opulencia.
Batay aniya sa ebidensyang nakalap ng NBI, parte umano sila sa sabwatan.
Dahil dito, sinabi niya na bibigyan ng pagkakataon ang apat na bagong respondent upang magsumite ng kanilang counter-affidavits.
Dagdag pa niya, nagpadala na ng subpoena ang panel of prosecutors sa apat na respondent, na inatasang magsumite ng kanilang counter-affidavits sa Marso 3. Jocelyn Tabangcura-Domenden