MANILA, Philippines — Nagsimula nang tumaas ang presyo ng ilang pagkain at serbisyo bago ang inaasahang malakihang pagtaas ng presyo ng langis.
Base sa ulat, tumaas ang presyo ng lapu-lapu sa Bulungan Seafood Market sa Parañaque mula P300 hanggang P400 kada kilo. Umakyat din ang presyo ng bakoko mula P250 hanggang P400 kada kilo.
Sa Balintawak Market sa Quezon City, sinabi ng mga vendor na tumaas ng P500 ang presyo ng isang lalagyan ng isda. Dahil dito, may ilang nagbebenta na ng isda kada bundle sa halip na kada kilo upang manatiling abot-kaya sa mga mamimili.
Kabilang din sa mga produktong nagmahal ang talong na mula P250 ay naging P400 kada pack, kalabasa na mula P27 ay naging P35 kada kilo, at calamansi na mula P100 ay naging P120 kada kilo.
Ayon sa mga vendor, mula sa Ilocos Region ang mga produktong ito kung saan maaaring lalo pang tumaas ang gastos sa transportasyon kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
May ilang mamimili na rin ang bumibili na lamang ng kalahating kilo ng mga bilihin upang makatipid.
Sinabi ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations na hindi maiiwasan ang pagtaas ng shipping fees dahil halos kalahati ng kanilang operasyon ay nakadepende sa petroleum products. Posible umanong tumaas ng 20% hanggang 30% ang gastos sa transport services dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
Nanawagan na rin ang ilang transport groups ng taas-pasahe.
Samantala, nag-anunsyo ang ilang shipping companies sa Cebu ng pansamantalang taas-pasahe at pagsuspinde ng ilang biyahe upang mabawasan ang konsumo ng crude oil.
Pinaalalahanan naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver at operator ng public utility vehicles na i-renew o i-update ang kanilang mga expired ID upang makwalipika sa fuel subsidy program ng gobyerno. RNT