MANILA, Philippines – Pormal nang itinurn-over ng Miru Systems ang dalawang bagong printing machines na gagamitin sa papalapit na 2025 midterm elections at BARMM parliamentary elections, sa Commission on Elections (COMELEC) at National Printing Office (NPO).
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia nitong Sabado, Oktubre 26, marka ito ng kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na gagamitin ng isang ahensya ng pamahalaan ang HP printing machines.
“Natutuwa kami dahil nga state of the art ito, sobrang improved version ito ng lahat ng mga printing machines na alam natin so far,” ani Garcia.
“Una, mas mura. At number 2, mabilis. Paglabas ng mga balota, naka-cut na siya per precinct kaagad,” dagdag pa niya.
Sa susunod na dalawang buwan, target ng COMELEC na makapag-imprenta ng nasa 70 milyong balota bilang paghahanda sa halalan.
Papayagan ang mga miyembro ng media, interest groups at mamamayan na panoorin ang printing activities.
“We will never leave any day without any observer or anyone watching para maiwasan ‘yung mga ibang issue na katulad ng nangyari dati,” ani Garcia.
Inanunsyo ng COMELEC na walang excess ballots ang iimprenta upang maiwasan ang posibleng pagdududa kaugnay sa integridad ng eleksyon.
“At saka ‘pag may excess ballots kasi, it creates in the minds of the voters na pwede naman pa lang magkamali. So kapag alam nila na 1:1 lang ang ating ratio, iingatan ng mga botante ‘yung pagboto at paghawak sa mismong mga balota,” paliwanag ni Garcia.
Karaniwan, ang voter turnout para sa national at local elections ay nasa 65-70%.
Sa kabila nito, para sa national elections na kasama ang presidential and vice-presidential races, ang voter turnout ay tumataas sa 80-83%.
Ang mga hindi nagamit o na-reject na balota ay ibabalik ng maayos.
Iginiit ni Garcia na ang mga makina ay ballot-specific, nangangahulugan na ang mga balota mula sa isang presinto ay hindi maaaring gamitin sa ibang presinto.
Siniguro naman ng Comelec na ang lahat ng printed ballots ay sasailalim sa machine verification upang masiguro na pasok ito sa standards. RNT/JGC