Inihayag ng Games and Amusement Board (GAB ) pinag-aaralan nilang tuluyan ng kanselahin ang registration o lisensiya ni PBA player John Amores.
Ayon sa GAB nababahala sila dahil nasampahan na ng kasong attempted homicide si Amores bunsod ng pamamaril sa nakaalitan nito sa basketball sa Lumban, Laguna noong nakaraang buwan.
Sa statement ni GAB Chairperson Atty. Francisco Rivera, sinabi nitong hihintayin muna nilang matapos ang imbestigasyon ng PBA ukol sa kaso ni Amores.
Maaari umanong magresulta sa pagpapatalsik kay Amores sa liga ang ginagawang imbestigasyon ng PBA at saka na nila kakanselahin ang registration nito sa GAB.
Matatandaang sumailalim si Amores sa therapy dahil sa nasangkot ito sa panununtok sa NCAA games noong 2022 habang ito ay naglalaro pa sa Jose Rizal University.JC