MANILA, Philippines- Binalak ng Chinese state security agency ang kandidatura ni dismissed Bamban, Mayor Alice Guo noong 2022 upang magkaroon ng espiya sa sistema ng gobyerno ng Piliipinas, ayon sa isang resource person ng Senado.
Sa pinakahuling alegasyon laban kay Alice Guo o Guo Huang Ping sa tunay na pangalan, ibinulgar ito ni Wang Fu Gui, kaibigan at dating kaselda ng isang self-proclaimed Chinese spy sa isang Al Jazeera documentary na si She Zhijiang.
Inamin ni She Zhijiang sa dokumentaryo na bahagi si Guo ng Chinese ministry of state security at inutusan siyang pondohan ang kanyang kampanya nitong 2022.
Nakapanayam ng opisina ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros si Wang Fu Gui sa pamamagitan ng isang video teleconferencing, na ipinakita ang recording nitong Martes sa pagpapapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa illegal POGOs .
Ayon kay Wang sa video, malaki at dambuhala ang declassified file na itinatago ni She at kaya nitong i-declassify ang ilang bahagi sa ilalim ng kanyang awtorisasyon.
“Guo Hua Ping was a spy but not a special one. It just so happens there is a copy of her state security background there. And her situation with Mr. She has a lot of similarities,” ayon kay Wang sa panayam.
“Guo Hua Ping’s fake Filipino identity is such a secret and weakness that she can only listen to State Security. Mr. She’s experience is similar,” dagdag niya.
Nang tanungin hinggil sa assignment ni Guo bilang isang Chinese spy, sinabi ni Wang na dapat direktang itanong ito kay She pero kabilang ang overseas spy ng China sa pangongolekta ng intelligence, iba pang tungkulin para sa pampulitika at pang-ekonomiyang interes ng China tulad ng ilang opisyal at negosyante sa ibang bansa.
Ayon kay Wang, mayroong kaugnayan sa pagitan ng POGO at scamming businesses sa spying operations.
“Of course there is a correlation, it has a lot to do with the Chinese government’s exuberant intelligence … There’s also the fact that all of this is totally connected to the Belt and Road, which is also just part of a huge united front and intelligence strategic plan for the whole world, including foreign colonization tactics,” aniya.
Sa naturang interview, pinangalanan ni Wang ang isang “Ma Dongli,” na sinasabing miyembro ng Communist Party of Chinana siyang kontak ni She sa state security.
Ibinulgar pa ni Wang na pawang second generation ng “Reds” si Ma Dongli na mayroong American identity, at tumatayong vice president ng isang Thai-Chinese association.
“There is a high probability that he is also Guo Hua Ping’s handler, and that Mr. She Zhijiang’s contact with Guo Hua Ping is through Ma Dongli, that is the only thing that I can answer,” aniya.
Pagkatapos ipalabas ang Al Jazeera interview, sinabi ni Wang na napaulat na si She ngayon ay “severely suppressed by the Chinese government” sa pagbubulgar ng kasong pang-eespiya ni Guo.
“Due to the sensitivity of the matter, Mr. She Zhijiang has been placed under surveillance in Thai prisons, and his contact with the outside world has been restricted,” ani Wang.
Dumalo si Guo sa interview kay Wang pero hindi pa nito tinutugunan o sinasagot ang alegasyon na ipinaparatang laban sa kanya dahil inuna muna ang executive session ng Senado.
Tinabla ng Thailand ang kahilingan ng Senado sa pamamagitan ng Philippine embassy na kapanayamin si She dahil sa “diplomatikong kadahilanan.” Ernie Reyes