MANILA, Philippines- Inihayag ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nitong Martes na hindi na siya muling kakandidato sa 2025 elections sa gitna ng mga kasong inihain sa kanya.
“Sa ngayon hindi po,” pahayag ni Guo sa Senate hearing nang kunan ng kumpirmasyon hinggil sa pahayag ng kanyang abogado noong nakaraang linggo na muli siyang tatakbong alkalde sa Bamban.
“Your honor, haharapin ko po muna ‘yung mga accusations po sa akin, linisin ko po muna ‘yung sarili ko po. And para maging fair din po para sa mga constituents ko po na minamahal ko po,” giit ni Guo.
Noong Biyernes, sinabi ni Stephen David, legal counsel ni Guo, na maghahain ang dismissed Bamban mayor ng kanyang certificate of candidacy (COC) ngayong Martes, sa huling araw ng filing period para sa May 2025 midterm elections.
Nahaharap si Guo, kasalukuyang nakaditene sa Pasig City Jail, sa mga kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion sa umano’y pagkakasangkot niya sa mga ilegal na aktibidad ng Philippines Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Pinatalsik sa pwesto si Guo noong Agosto.
Samantala, kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na pinagtibay Comelec en banc ang rekomendasyon ng Law Department na kasuhan si Guo.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, kasong paglabag sa Omnibus Election Code ang maaaring isampa laban kay Guo Hua Ping o Alice Leal Guo.
Kaugnay ito sa paglabag ni Guo sa Sec 74 in relation to Section 262 ng Omnibus Election Code ukol sa material misrepresentation.
Ito ay kaugnay sa misrepresentation o pagpapakilala ni Guo bilang Pilipino gayung napatunayan na iisang tao lamang ang sinibak na alkalde at si Hua Ping Lin Guo na isang Chinese citizen.
Batay sa argumento ng Law Department, kahit lampas 18 taon nang nakatira sa Bamban si Guo bago ang eleksyon noong 2022 ay hindi ito patunay na inabandona na niya ang pagiging mamamayan ng China.
Ayon pa sa Comelec, hindi rin ito Filipino citizen base sa impormasyong hindi ito natural born o kahit naturalized na Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden