MANILA, Philippines – Itinutulak ng Department of Agriculture (DA) ang malawakang pagpapalawak ng industriya ng palm oil sa bansa upang mabawasan ang pagiging dependent sa mga inaangkat mula sa ibang bansa at kalaunan ay magkaroon ng lokal na pagkukunan ng hilaw na materyales para sa mas malinis na mga uri ng fuel.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa budget hearing sa Kamara na kailangang maglaan ang pamahalaan ng mas malaking pondo para mapaunlad ang produksyon ng palm oil, dahil umaasa ang bansa sa importasyon ng halos 90 porsiyento ng pangangailangan nito.
“Ang palm oil ang isang industriya na kailangang supportahan ng national government gayondin ng LGUs na may palm oil industries o stakeholders sa mga lugar dahil kumikita po ang palm oil producers natin at mga magsasaka at ang merkado ay andiyan,” ani Tiu Laurel.
“Umaangkat tayo ng halos 90 porsiyento ng ating pangangailangan sa palm oil,” aniya, at idinagdag na ang pagpapataas ng lokal na produksyon ay magbibigay ng pagkakataon na mapalitan ang mga inaangkat mula sa ibang bansa.
Kaugnay nito humihingi ang DA ng hindi bababa sa P300 milyon na pondo para sa pagpapaunlad ng palm plantation sa 2027, kung saan ayon kay Tiu Laurel ay hindi ito isinama sa malaking halaga sa orihinal na National Expenditure Program ng departamento dahil nitong mga nakaraang buwan lamang naging mas malinaw ang pangangailangan para sa mas malaking suporta.
Sinabi niyang napag-usapan na ang kahilingan para sa pondo kay Sen. Francis Pangilinan at Rep. Mark Enverga.
Iminungkahi rin ng kalihim ang mas malaki at pangmatagalang paglalaan ng pondo kung magpapasa ang Kongreso ng batas na susuporta sa industriya, na maaaring umabot sa P1 bilyon bawat taon sa loob ng limang taon.
Sinabi ni Tiu Laurel na natukoy na ng pamahalaan ng roadmap para mapaunlad ang 300,000 ektarya ng mga plantasyon ng palm oil, bagama’t malaking tagumpay na rin kung umabot sa 100,000 ektarya ang lawak ng mga ito pagsapit ng 2028.
Sa kalaunan, makatutulong ang pagpapalawak na ito sa pagbuo ng lokal na pinagkukunan ng palm oil na maaaring gamitin hindi lamang sa pagkain at mga industriyal na aplikasyon kundi maging bilang posibleng hilaw na materyales para sa mas malinis na fuel.
Samantala nais din ng DA na baguhin ang paraan ng pamamahala sa industriya. Sinabi ni Tiu Laurel na dapat magkaroon ang Philippine Coconut Authority (PCA) ng isang nakatalagang deputy administrator at mga team na partikular na tututok sa pagpapaunlad ng palm oil at niyog.
“Ang mahalaga ay makapagbuo tayo ng isang ahensiya o maorganisa ang PCA hindi lamang bilang coconut authority, kundi magkaroon ng deputy administrator na partikular para tumutuok sa palm oil at niyog upang magkaroon sila ng sarili nilang mga team,” aniya.
Sinabi niyang makatutulong ang mas malinaw na istruktura upang mas mabilis na umunlad ang industriya at mabigyan ito ng mas tiyak na mga tungkulin.
Sinabi rin ni Tiu Laurel na sinusuportahan ng DA ang sertipikasyon bilang urgent ang panukalang Palm Oil Bill at gagawa ito ng opisyal na rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Para sa isang industriya na kasalukuyang kumukuha ng malaking bahagi ng suplay mula sa ibang bansa, layunin ng hakbang na ito na gawing mas malaki at mas matatag na lokal na industriya ng agrikultura ang palm oil sa halip na manatili itong pangunahing produktong inaangkat ng bansa. Santi Celario