MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magkaroon ng programa para sa professionalization ng mga barangay worker, kabilang na ang day care workers at teachers.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng TESDA para sa 2024, ibinahagi ni Gatchalian ang ilang halimbawa na ipinatutupad na programa tulad ng Barangay Health Services at Community Nutrition Services, parehong may National Certificate (NC) II courses.
“Ang suhestyon ko ay magkaroon tayo ng programa at palawakin natin upang masaklaw nito ang ating mga barangay-based workers, kabilang na ang mga day care teachers at iba pang mga kawani sa barangay. Ngayon kasi meron na tayo for barangay health workers and barangay nutrition scholars,” sabi ni Gatchalian.
“Walang sertipikasyon ang ating mga day care workers. Ang pagsasanay o training na nakukuha nila ay galing din sa sarili nilang karanasan. Karamihan sa kanila ay walang kasiguraduhan pagdating sa tenure kahit matagal na sila sa trabaho nila. ‘Yung iba sa kanila andyan na sa loob ng 30 o 40 taon, at gusto nilang maging mga propesyonal. Bigyan natin sila ng pagkakataong mabigyan ng sertipikasyon,” dagdag ng senador.
Isinusulong ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang professionalization ng mga child development workers (CDWs) at teachers (CDTS). Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), iminumungkahi ni Gatchalian na bigyan ng mandato ang mga lungsod at munisipalidad na lumikha ng plantilla position o permanenting posisyon para sa mga CDTs at CDWs. Sa ilalim ng panukala, imamandato rin ang mga government units (LGUs) na isulong ang kanilang professional development.
Kailangan ring tiyakin ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Council ang ugnayan sa pagitan ng ECCD curriculum at basic education curriculum, ayon sa panukalang batas at bibigyan ng mas malawak na responsibilidad ang mga LGU pagdating sa pagpapatupad ng mga ECCD programs.
Samanatala, mayroong 78,693 CDWs sa bansa batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ernie Reyes