Home NATIONWIDE Promosyon ng Army official sa CA hinarang ng ‘battered wife’

Promosyon ng Army official sa CA hinarang ng ‘battered wife’

MANILA, Philippines- Nahadlangan ang promosyon ng isang Army official sa Commission on Appointments (CA) sa paglitaw ng kanyang asawa sa Senado nitong Martes upang pigilan ito.

Ibinahagi ni Tessa Luz Reyes-Sevilla ang umano’y sinapit niya sa kamay ng kanyang asawang si Ranulfo Sevilla.

Aniya, hindi karapat-dapat i-promote ang kanyang asawa. Nakatakda sanang maging brigadier general ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasabing opisyal.

“No amount of sorry, no amount of money will make me back down. Nothing will make us back down. We deserve to be vindicated,” giit ni Tessa sa isang press conference nitong Martes bago ang CA confirmation hearing ng kanyang asawa.

“Hindi ko na po kayang manahimik. Nagtiis na po kami nang matagal. Ang masakit doon ay nilulunok na nga namin ‘yung walang sustento — eh nakukuha pang mambabae,” dagdag niya.

Bukod umano sa pangangalunya, sinabi ni Tessa na pisikal at mental na pang-aabuso ang nararanasan niya at ng kanyang mga anak kay Sevilla.

“Ang nakakasakit sa akin kasi nakikita ng mga bata. Maaaring inosente sigurong tignan na naitulak, hindi sinasadyang itinulak — pero kasi po buntis ako eh. Buntis ako, itinulak po ako. Akala ko makukunan ako kaya nagpa-protection order ako,” paglalahad ni Tessa.

Gayundin, tumestigo ang 12-anyos na anak ni Tessa sa Senado na nakararanas umano siya maging kanyang mga kapatid, ng pang-aabuso mula sa kanilang ama.

Sa huli, hiniling ni Tessa sa AFP na busisiin ng AFP ang dumaraming bilang ng mga babaeng inaabuso ng kanilang mga partner na military officials.

“The gentlemen of the AFP, I hope that you’re hearing this and this is the right time. I hope that it’s going to be a precedent and I hope that you look into the very sad plight of the wives, mothers, partners of your men in the AFP. It’s about time, Sirs,” apela niya.

Samantala, nagsagawa naman ang CA panel on national defense ng executive session upang talakayin ang appointment ni Sevilla.

Nauna nang ipinagpaliban ang kumpirmasyon ni Sevilla sa committee level alinsunod sa hiling Senator Risa Hontiveros na personal na kwestiyunin ang opisyal ukol sa pagputol ng kanyang asawa sa kanyang appointment. RNT/SA

Previous articleUnang US trade mission sa Pinas sumasalamin sa matatag na ugnayan ng PH, US – PBBM
Next articleAFP sa publiko: Maging handa sa pagtatanggol sa bansa