MANILA, Philippines- Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pasasalamat sa mga Pilipinong handang ipaglaban ang bansa sakaling sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng dayuhang kaaway, at sinabing dapat maging handa ang publiko sakaling maganap ito.
Binanggit ni General Romeo Brawner Jr., AFP Chief of Staff, ang survey na isinagawa ng polling firm Octa Research kamakailan na nagsasabing 77 porsyento ng mga Pilipino ang handang ipagtanggol ang bansa sakaling may makalabang dayuhan.
“While the AFP is modernizing and continuously preparing to address any threat, whether internal or external, it is also important that the Filipino citizens prepare themselves,” pahayag niya nitong Lunes.
“The ways by which we can help defend our country, other than fighting, are only [bound] by our imagination. Let us take the result of the survey as a call to action and prepare for when we are called upon by the government to defend the State,” dagdag ng opisyal.
Anang military chief, maraming pamamaraan upang ipakita ang pagmamahal sa bansa.
Isa aniya sa mga ito ang pagsailalim sa Reserve Officer Training Corps (ROTC) o pakikilahok sa Reserve Corps “in order to be trained in military tactics.”
Gayundin, isa pang paraan ay pagiging “self competent” sa propesyon upang maging kapaki-pakinabang sa panahon ng emergency, tulad sa medical field o sa engineering.
“Individuals or organizations may also contribute resources to the military’s overall defensive campaign such as ships, airplanes, etc.,” ani Brawner.
Binigyang-diin din ng opisyal na maaaring tumulong ang mga Pilipino sa AFP sa pagbibigay-kaalaman sa publiko sa buong mundo at pakikiisa sa panawagan nila laban sa “illegal, coercive, aggressive and deceptive tactics” na ginagawa ng ibang bansa laban sa Pilipinas partikular sa West Philippine Sea (WPS). RNT/SA