Home METRO 8 pumatay sa 2 tinedyer sa Cabanatuan, tukoy na

8 pumatay sa 2 tinedyer sa Cabanatuan, tukoy na

Ang bangkay ng mga biktiima na tinakpan na ng mga tauhan ng punerarya matapos matagpuan sa isang irrigation Canal sa Brgy. Sta. Arcadia, Cabanatuan City. (Photo credit: Alvin Magbitang)

MANILA, Philippines- Away ng magkalabang gang ang isa sa sinisilip na motibo ng pulisya sa pamamaslang sa dalawang menor-de-edad sa Cabanatuan City kamakailan.

Ito’y makaraang may lumutang na testigo sa pagpatay sa mga biktima na ngayo’y hawak na ng pulisya para sa kanyang kaligtasan.

Ayon sa testigo, halinhinang pinatay ang mga biktima na sina Kyle Joseph Dela Cruz at Jamil Fermin ng nasa walong suspek na hindi muna pinangalanan ng pulisya.

Nangyari ang pamamaslang, madaling araw ng March 2, 2024 matapos dumalo ang dalawang biktima sa debut ng kanilang kaibigan sa barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan City.

Sinabi ni P/Capt. Ray Cruz, hepe ng Investigation Division Cabanatuan City Police Station, pauwi na mula sa debut ang mga biktima nang harangin ng grupo ng kabataan na miyembro ng isang gang

Bagama’t hindi gaanong maliwanag sa lugar, sa tulong ng mga ilaw ng dumaraang sasakyan ay kitang-kita ng testigo ang mga hawak na baseball bat, kadena at tubo ng mga suspek habang sakal sa leeg ang mga biktima.

Noong Linggo ay inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ng dalawang biktima.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong double murder laban sa walong suspek.

Laking pasasalamat ng mga kaanak ng mga biktima dahil mabibigyan na ng hustisya ang pamamaslang sa magkaibigang tinedyer.

Umaasa si Marieta Dela Cruz, nanay ng biktimang si Kyle Joseph, na mahuhuli ang mga brutal na pumatay sa kanyang anak para mabigyan siya ng katarungan. Marina Bernardino/ Alvin Magbitang

Previous articleAFP sa publiko: Maging handa sa pagtatanggol sa bansa
Next article348 rebelde na-neutralize ng PH gov’t – AFP