MANILA, Philippines- Itinutulak ng government workers group na itaas ang national minimum wage sa P33,000 kada buwan para sa government workers, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na rebyuhin ang umiiral na minimum wage rates sa kada rehiyon sa bansa.
Ayon sa Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE), dapat ding isama sa review ng minimum wage rates ang mga nagtatrabaho sa gobyerno.
“Ang panawagan namin, national minimum wage based on living wage — P33,000 across the bureaucracy,” pahayag ni COURAGE National President Santiago Dasmarinas Jr. base sa ulat nitong Linggo.
“‘Pag gusto may paraan. ‘Pag ayaw ang daming dahilan,” dagdag niya.
Katumbas ang P33,000 monthly wage ng daily wage na P1,650 base sa 20 working days kada buwan. Mahigit pa ito sa dobleng halaga ng kasalukuyang daily minimum wage na P610 sa Metro Manila, at mahigit apat na beses sa minimum wage na P361 sa Bangsamoro region.
Ipinanawagan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang parehong minimum wage para sa lahat ng manggagawa, kung saan sinabi nitong dapat pasahurin ang entry-level teachers ng P50,000 kada buwan.
Noong nakaraang linggo lamang ay ipinag-utos ni Marcos na busisiin ang minimum wage rates sa kada rehiyon, at sinabing dapat ikonsidera sa sahod ang ang epekto ng inflation. Ang pinakabagong inflation ay naitala sa 3.7% noong Marso.
“When it comes to implementing another round of increases, binigyang direktiba ni President Bongbong Marcos ang Gabinete na magsagawa ng study para po masiguro na ang compensation po ng lahat ng ating mga civilian government personnel ay maging generally competitive kumpara sa mga nagtatrabaho sa private sector,” pahayag ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Goddes Hope Libiran.
“The new round of salary increases for government shall require legislation, similar to SSL (Salary Standardization Law). Kung maipapasa naman po ang batas na ito, DBM will find a way to fund it,” dagdag ng opisyal.
Sinabi naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakatakdang talakayin ang minimum wages sa mga susunod na araw.
“Amin na pong tatalakayin kung paano po natin pabibilisin, kagaya po ng nais ng ating pangulo… na mabawasanang ika nga’y uncertainty,” ani DOLE secretary Bienvenido Laguesma.
“Gustong maging predictable at makapaghanda rin naman ‘yung mga namumuhunan na may kinalaman po sa usapin ng pagtataas po ng umiiral na minimum wage sa bawat rehiyon,” patuloy niya. RNT/SA