Home METRO Sundalo patay sa engkwentro sa NPA

Sundalo patay sa engkwentro sa NPA

TACLOBAN CITY- Patay sa engkwentro sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang sundalo sa Matuguinao, Samar nitong Sabado.

Napaslang ang sundalong may ranggong corporal, sa sagupaan sa Barangay San Roque, batay sa ulat mula sa 8th Infantry Division (ID) na nakabase sa Catbalogan City, Samar.

Nasa lugar ang mga sundalong kabilang sa 19th Infantry Battalion na nakabase sa Catubig, Northern Samar, nang makaengkwentro ang grupo ng mga rebelde dakong alas-6:58 ng umaga.

Tumagal ang bakbakan ng 10 minuto na nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo na nabaril sa leeg.

Parte umano ang mga rebelde, na tinatayang nasa 10, ng sub-regional guerilla unit ng sub-regional committee Emporium sa pamumuno ni Gino de la Cruz ng NPA, ang armed group ng Communist Party of the Philippines.

Batay sa ulat ng 8th ID, naipagbigay-alam na nito sa pamilya ng biktima ang pangyayari at nagsagawa na ang mga sundalo ng pursuit operation laban sa mga rebelde. RNT/SA