Home NATIONWIDE Prosecution panel planong kumuha ng mga translator para sa impeachment trial ni...

Prosecution panel planong kumuha ng mga translator para sa impeachment trial ni VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Plano ng House prosecution panel na kumuha ng mga translator o tagasalin sa mga pangunahing wika sa bansa, gaya ng Bisaya, Hiligaynon, Bicolano, at iba pa, upang mas malinaw at tumpak na maipaliwanag sa publiko ang takbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecution panel spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers layunin ng hakbang na ito na gawing mas madaling intindihin ang mga komplikadong legal na proseso, partikular na para sa mga Pilipinong mas komportable sa kanilang katutubong wika.

“Napakalawak ng usapin ng impeachment. Hindi ito usaping legal lang. May procedural, may legal, at may public information aspect. Kaya hindi ito kayang ipaliwanag ng iisang tao lamang”pahayag ni Barbers.

Aniya, bagamat may mga abogado silang tagapagsalita para sa mga usaping legal at teknikal, ang kaniyang tungkulin ay patatagin ang komunikasyon upang masigurong nakararating ang tamang impormasyon sa mga ordinaryong Pilipino.

“Plano naming ipaliwanag ang proseso sa ibat ibang wika para mas maraming Pilipino ang makaintindi at hindi mabiktima ng maling impormasyon,” dagdag ng mambabatas.

Binigyang-diin pa ni Barbers na ang impeachment ay isang mekanismo ng pananagutan sa ilalim ng Saligang Batas na maaaring ipatupad kahit sa pinakamataas na opisyal ng pamahalaan, kaya naman nararapat lamang na maunawaan ito ng taumbayan bago sila magbigay ng sariling konklusyon.

Hinikayat din nito ang publiko na direktang subaybayan ang paglilitis sa halip na umasa lamang sa mga komento sa social media.

Samantala, iginiit ni House prosecution panel spokesperson Zia Adiong na walang anumang dahilan para maantala ang nakatakdang simula ng impeachment trial sa Hulyo 6, 2026, sa kabila ng mga ikinakasang kilos-protesta kaugnay ng hiwalay na kaso ni Senador Rodante Marcoleta.

“We respect their position. We respect their right to peacefully assemble and to express whatever advocacies or positions they believe are important for the country to know,” dagdag nito.

Nilinaw pa ng mambabatas na nakatutok ang prosekusyon sa mga direktiba ng Senado at maayos na umuusad ang kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng paglilitis sa Lunes. Sa katunayan, mismong ang Senate President na  ang nanguna sa ocular inspection sa pasilidad ng Senado upang tiyaking handa ang lahat. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here