Home NATIONWIDE Proteksyon sa Maharlika vs katiwalian, tiniyak ni Mark Villar

Proteksyon sa Maharlika vs katiwalian, tiniyak ni Mark Villar

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Mark Villar nitong Huwebes na mayroong “safeguards” laban sa mga opisyal at empleyado na magtatangkang gamitin ang Maharlika Investment Fund (MIF) sa katiwalian.

Sa panayam, ipinaliwanag ni Villar, principal author ng MIF bill sa Senado, na ang regular laws sa graft, malversation, at plunder ay akma sa MIF, na may karagdagang administrative fines laban sa mga lalabag.

“Lahat ng laws ay applicable sa Maharlika tapos dinagdagan pa namin ng additional administrative fines. So, dinagdagan pa namin ‘yung parusa ‘pag may mga instances ng kung anuman kung malversation up to plunder,” anang mambabatas.

“Mabigat talaga ang parusa. Kasama na ‘yan sa bill, sa mga safeguards na nilagay namin na meron talagang mabigat na parusa ‘pag may mga officers o mga employees na gumawa ng kalokohan,” patuloy niya.

Inaprubahan ng Senado nitong Miyerkules ang ang panukalang nagsusulong na magtalaga ng sovereign wealth fund.

S aparehong araw, sa bicameral conference committee meeting, ini-adopt ng House of Representatives ang Senate version ng Maharlika bill.

Nang tanungin kung kailan lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala kung sakali, sinabi ni Villar na malalaman ang desisyon “very soon.”

“Ayaw ko naman i-preempt ang President. Of course, alam naman natin na syempre pabor siya sa Maharlika bill. I don’t want to preempt. I cannot speak for the President. Hintayin na lang natin ‘yung decision ni President,” aniya.

Base sa panukala, lilikhain ang MIF sa pamamagitan ng pondo mula sa:

  • Land Bank of the Philippines (LBP): P50 billion

  • Development Bank of the Philippines (DBP): P25 billion

  • National Government: P50 billion

Samantala, magmumula naman ang kontribusyon ng national government sa mga sumusunod:

  • Total declared dividends NG Bangko Sentral ng Pilipinas

  • Bahagi ng national government sa kita ng PAGCOR

  • Properties, real and personal na tinukoy ng DOF-Privatization and Management Office

  • Iba pang source gaya ng royalties and/or special assessments

Kabilang sa major amendments sa panukala ang absolute prohibition ng paggamit ng pondo mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance (PhilHealth) corporation, Pag-IBIG, Overseas Workers Welfare

Administration (OWWA), Philippines Veterans Affairs Office (PVAO) sa kapitalisasyon at pamumuhunan sa Maharlika fund.

Ipinaliwanag ni Villar na magkakaroon ng “low risk” of investment sa Maharlika na magpo-prodyus ng “medium yield” of return na tinatayang  8% hanggang 10%.

“Sa tingin ko hindi naman high risk ‘yung Maharlika. Medyo low risk pero maganda ang yield. Hindi naman low yield. Medium yield siguro pero low risk… Ayaw din natin ng masyadong high risk,” anang senador.

“Ang initial projection ng Maharlika…ang estimate lang po nila siguro target nila 8%-10% yield pero pwede ding mas mataas. Pero depende pa rin. ‘Yung target lang po 8%-10%, sa tingin ko kaya naman,” dagdag niya.

Sakaling makakuha ang pamahalaan ng investments na P125 billion per annum, sinabi ni Villar na kikita ito ng P12.5 bilyon kada taon kapag ang Maharlika ay nagkaroon ng 10% return of investment. RNT/SA