Home HOME BANNER STORY Protocol plates na may QR codes sinisilip ng PH gov’t

Protocol plates na may QR codes sinisilip ng PH gov’t

MANILA, Philippines- Binabalak ng pamahalaan ng mag-isyu ng bagong protocol plates na may QR codes, upang madaling matukoy ang may-ari ng mga sasakyan, base sa Metropolitan Manila Development Authority.

Ito ay sa gitna ng mga insidente ng traffic violations na kinasasangkutan ng mga sasakyang may protocol plates kamakailan.

Binanggit din ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na gumagamit din ang ibang sasakyan ng pekeng protocol plates at hindi ibinabalik ng ilang government officials na napaso na ang termino ang protocol plate na inisyu sa kanila.

“Ang isa sa nakikitang remedy d’yan ay magre-issue ng bago na may QR code, para naka-indicate kung kanino at mas madali ma-determine kung kanino ‘yun. Para in case may violations, madali din ma-identify kung kanino naka-issue yung protocol plate na ‘yun,” giit ni Artes.

Nang tanungin ukol sa timeline ng paglalabas ng bagong protocol plates, sinabi ng MMDA na depende ito sa Land Transportation Office dahil ito ang ahensyang nag-iisyu ng protocol plates. 

Sa executive order na nilagdaan noong nakaraang buwan subalit isinapubliko lamang nitong Huwebes, inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga bagong regulasyon sa paglalabas ng low numbered protocol license plates sa government officials, na nagtatapyas sa bilang sa 14 mula sa nakaraang listahan ng 16 opisyal na awtorisadong gumamit ng protocol license plates.

Samantala, nilinaw ng MMDA na hindi ito ang sumita sa SUV na may plakang “7”, na inamin ni Sen. Francis “Chiz” Escudero nitong Biyernes na pagmamay-ari niya, subalit “was being driven by the driver of a family member.”

Ani Artes, ito ay ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), na pinangangasiwaan ng Department of Transportation.

Inamin ni Escudero na pagmamay-ari niya ang sasakyan subalit sinabing “it was being driven by the driver of a family member.”

“The use of the protocol plate was unauthorized, as the vehicle was being driven by the driver of a family member… Following the incident, I have directed the driver to appear before the MMDA to comply with the show-cause order issued to him and to answer the charges he faces for the violation,” ani Escudero. RNT/SA