MANILA, Philippines – Kamara inatasan ang PSA, NBI at PNP na beripikahin ang pangalang ‘Mary Grace Piattos,’ at iba pang pangalan na nakatanggap ng OVP confidential funds.
Pinabeberipika ng House Blue Ribbon Committee sa mga ahensya ng gobyerno ang pagkakilanlan ng mga kontrobersiyal na pangalan na sinasabing nakatanggap ng confidential and intelligence funds (CIFs) mula sa Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Committee Chairman Rep. Joel Chua inaasahan nila ang report mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) kung may katotohanan na may nagngangalang ” Mary Grace Piattos”.
Ang nasabing pangalan ay isa sa nabanggit ni COA Lawyer Gloria Camora na nakapangalan ang acknowledgment receipt na isinumite ng OVP.
Sinabi ni Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na dapat suriin ang mga pangalan na ibinigay ng OVP na nakatangap ng kanilang confidential funds.
“I would like to move that this dubious, spurious, and highly irregular acknowledgement receipts be referred to the PSA to verify the names enumerated therein if these persons really exist,” ani Bongalon.
“I would like to move also that the receipts be referred to the NBI and the PNP for them to assist us in conducting a handwriting or signature examination to verify whether the recipients of these confidential funds are real or not, with Ms. Mary Grace Piattos as the first priority” giit pa ni Bongalon.
Ang nasabing mga resibo na nakapangalan sa mga kontrobersiyal na pangalan ang siyang ginamit ng OVP para bigyang katwiran ang paggamit ng ₱500 million na confidential funds.
Naging kontrobersiyal ang Mary Grace Piattos dahil sa pagkakahawig nito sa “Mary Grace” restaurant at Piattos na kilalang snack brand. Gail Mendoza