Home NATIONWIDE Agri output palalakasin ng pinaraming seedling nurseries sa bansa

Agri output palalakasin ng pinaraming seedling nurseries sa bansa

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang pagpaparami sa ‘seedling nurseries’ sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ay mapakikinabangan ng ‘agriculture, food specialty, at food processing industry’ sa bansa.

Kabilang ang mga ito sa mga bagong estratehiya na nakikita ng pamahalaan na magagamit para bawasan ang pagsandal sa importasyon ng agricultural goods para matustusan ang local demand.

“Nagpulong kami kahapon ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno kasama  ang pribadong sektor. Dito nagmungkahi ng mga hakbang na paramihin pa ang ating mga seedling nursery sa buong bansa   para mapa-igting pa natin ang pagtatanim   ng mga gulay at bigas,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa Bacolor, Pampanga.

Nabanggit ang panukala sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC), araw ng Martes, kung saan ang mga unused lands o mga hindi na nagagamit na mga lupaing pag-aari ng State Universities and Colleges (SUCs) ay nakita para muling gamitin para sa seedling production.

“Pampanga, known as the Culinary Capital of the Philippines, would benefit from the initiative,” ang tinuran pa rin ni Pangulong Marcos.

“Sigurado ako na sa ganitong paraan ay makakatulong ito sa ilang pangunahing industriya ninyo rito sa Pampanga, kagaya ng pagsasaka, specialty food, at ang food processing,” lahad nito.

Sa kabilang dako, namahagi ang Pangulo ng 30 na Certificates of Land Ownership (CLOAs) at 2,939 na Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROMs) para sa 2,500 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBS) sa nasabing lalawigan.

Sa kabuuan, may 2,487 ARBS ang nakatanggap ng COCROMs habang 28 iba pa ang nakatanggap ng kanilang CLOAs.

Sa kaparehong event, kinilala naman ng Punong Ehekutibo ang papel ng Pampanga sa pag-unlad ng bansa.

Binigyang diin ng Chief Executive ang partnership sa pagitan ng public at private sector  sa lalawigan sa pamamagitan ng Partnership Against Hunger and Poverty Program.

“Sa tulong ng Partnership Against Hunger and Poverty Program ng gobyerno, isa sa mga kapuri-puring kontribusyon ng inyong probinsya ay ang patuloy na pagsu-supply ng itlog sa ating mga Persons Deprived of Liberty o ‘yung tinatawag na mga PDL sa mga bilangguan o BJMP na facilities,” ang winika ng Pangulo.

“Ang programang ito ay isang halimbawa ng magandang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan,” aniya pa rin.

Samantala, ang Pampanga ang nangungunang producer ng mga itlog sa Gitnang Luzon. Ang lalawigan ang bumubuo sa 17.7% ng pangkalahatang produksyon ng itlog sa bansa. Kris Jose