Home NATIONWIDE PSA umamin: P64 food threshold kada tao sa isang araw, kapos!

PSA umamin: P64 food threshold kada tao sa isang araw, kapos!

SINABI ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang threshold na itinakda nito para sa isang tao para hindi maikonsiderang “food poor” ay kapos para ma-meet ang nutritional o dietary requirements sa isang araw.

Sinabi ng PSA na ang kasalukuyang methodology sa pagtatakda ng food poverty ceiling ay sumasailalim ngayon sa masusing pagrerebisa.

Nauna rito, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagdinig sa Senado na ‘as of 2023’, ang monthly food threshold para sa isang pamilya na may limang miyembro ay P9,581 o P64 kada tao, kada isang araw.

“The P64 per person-a-day amount was arrived at when the P9,581 monthly food threshold was divided among its members and the approximate number of days in a month,” ayon sa NEDA.

Ang Food threshold ay tumutukoy sa minimum income na required para sa isang pamilya o indibiduwal para ma-meet ang pangunahing pangangailangan sa pagkain, “which satisfies the nutritional requirements for economically necessary and socially desirable physical activities.“

Tumutukoy din ito bilang subsistence threshold o “food poverty line.”

Sa kabilang dako, ang paliwanag naman ni National Statistician Claire Dennis Mapa na ang food threshold ay base sa sample food bundles (saklaw dito ang breakfast, lunch, dinner, at snack), na maaaring mag-provide ng basic nutritional needs na inihanda ng nutritionists.

Base sa per capita food threshold data mula PSA, ang sample food bundle ay maaaring mag-provide ng 100% energy, 123% protein , 119% calcium, 80% iron, 131% Vitamin A, 88% Thiamin, 80% Riboflavin, 249% niacin, at 106% Vitamin C.

“That’s how the bundle was arrived at… in other words, there’s science to it,” ayon kay Mapa.

Idinagdag pa nito na ang food threshold ay ibinatay sa “most basic needs” at “least-cost approach,” ibig sabihin ang meals o pagkain ay ipinagpapalagay na inihahanda sa bahay.

Gayunman, Inamin ni Mapa na ang threshold ay “talagang sa tingin natin talaga insufficient ito.”

“I agree, this is really basic ‘yung P64 per day. Most probably a lot of people won’t be happy about it,” dagdag na wika nito.

Samantala, sinabi ng National Nutrition Council na ang paggasta ng kaunti pa ng higit sa P64 sa daily food intake—o humigit-kumulang ng higit sa P21.30 para sa kada meal—ay hindi sapat para sa tao na maabot ang inirerekumendang enerhiya at nutrients para sa katawan.

Binatikos naman ng Economic think tank IBON Foundation ang food threshold, inilarawan ito bilang “really grossly underestimated” at nanawagan para sa mas kapani-paniwalang approach sa pagkalkula sa food poverty ceiling.

Sinabi ni Mapa na kasalukuyan ngayong nirerebisa ng ahensiya ang methodology para sa pagpapalabas ng food poverty threshold.

“There is a review process na ginagawa and as I said we have already initiated sa technical staff ng PSA ‘yung pag-review ng ating, una, ‘yung ating methodology, ‘yung sa menu,” ayon kay Mapa.

Aniya, ang pag-update sa methodology ay kinakailangan para masalamin ang pagbabago sa ‘expenditures, income, at inflation’ ng isang pamilya.

“We also want it to be reflective of current situation so that’s why we are constantly addressing and reviewing our methodology,” ang sinabi nito.

“I assure you the PSA is reviewing it and we will have already initiated a review which is a part of our regular review process,” aniya pa rin.