CAVITE, Philippines – Dalawang lalaki, kabilang ang isang 21-anyos na third-year Psychology student, ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa loose firearms sa Dasmariñas City, Cavite.
Unang naaresto ang estudyanteng itinago sa alyas na “Haime” sa buy-bust operation sa Fatima Proper Road, Barangay Fatima 1, bandang alas-4:30 ng hapon.
Ayon sa pulisya, nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol, mga magazine at bala, holsters, P1,000 marked money na may kasamang boodle money, dalawang cellphone at isang motorsiklo.
Bandang alas-11:25 naman ng gabi nang maaresto ang isa pang suspek na alyas “Ferdie” sa Barangay Paliparan 3.
Sinabi ng pulisya na nakabili umano ang poseur buyer mula sa suspek ng caliber .38 revolver sa halagang P500. Narekober din umano ang limang bala, marked money at belt bag.
Nahaharap ang dalawang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Naganap ang mga operasyon habang umiiral ang election period at gun ban para sa special congressional election sa Dasmariñas City. Ayon sa Commission on Elections, sakop ng election period ang Hulyo 30 hanggang Setyembre 13, kung kailan ipinagbabawal ang pagdadala o pagbiyahe ng baril sa mga pampublikong lugar maliban kung may awtorisasyon mula sa poll body.
Hindi pa malinaw sa police report kung may hiwalay ding election offense o paglabag sa COMELEC gun ban na isasampa laban sa dalawang suspek. Margie Bautista