MANILA, Philippines – Bukas na isasagawa ang public hearing para sa minimum wage adjustment sa National Capital Region (NCR) na layong mapakinggan ang panig ng nasa sektor ng gobyerno, mga investors, manggagawa at ibang grupong may interest sa pasahod.
Idaraos ang Public Hearing sa Occupational Health and Safety Center sa Diliman, Quezon City, 1:30 ng hapon ng Martes, Hunyo 17.
Dito rin malalaman kung magkano ang mapagpapasyahan na bagong minimum wage at isasalang ng Wage Order sa National Wages and Productivity Commission para suriin kung pasok ito sa Wage Rationalization Act at inamyendahang Omnibus Rules on Minimum Wages Determination.
Ilalathala ng Regional Board ang Wage Order sa mga pahayagan sa oras na maaprubahan ng komisyon.
Magiging epektibo naman ang umento sa sahod makalipas ang 15 araw mula nang ito ay mailathala.
Sa ngayon, nasa P608 hanggang P645 ang minimum wage sa Kalakhang Maynila at huling nagpatupad ng P35 na dagdag sahod noong Hulyo ng nakaraang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden