MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, Hunyo 16 na ilulunsad ng gobyerno ang pinalawak na school feeding program sa Hulyo.
Layon nito na gawing mahusay at mapabuti ang nutrusyon at mga resulta ng pag-aaral para sa mga batang Filipino.
“Tapos ‘yung sa feeding program din natin mag-start next month… Kaya pinalaki natin, pinalawak natin dati, pinalawak natin ‘yung feeding program para sa mga kabataan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag matapos bisitahin ang Epifanio Delos Santos Elementary School sa Maynila para sa pagbubukas ng klase para sa School Year 2025-2026.
Sinabi pa ng Pangulo na ang inisyatiba ay karagdagan sa umiiral na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakatutok sa ‘early childhood development.’
“Kasi kung maalala niyo DSWD meron na tayong program from the First 1,000 days. Kasama na ‘yung pagbubuntis para maganda ‘yung pag-aalaga sa bata bago pa pinanganak at saka pagkatapos manganak,” ang litaniya ng Pangulo.
“Ngayon naman from 5 years old on, ito naman marami tayong programa lalong-lalo na ‘yung feeding program para sa ating mga kabataan,” ang sinabi pa rin ng Chief Executive. Kris Jose