MANILA, Philippines – Hinikayat ng National Water Resources Board (NWRB) ang publiko na magtipid at maging maingat sa paggamit ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng super El Niño.
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr., may mga contingency measure na ang pamahalaan ngunit kailangan ang pakikiisa ng publiko sa wastong paggamit, pagre-recycle at pagbabawas ng hindi kailangang konsumo ng tubig.
“Ang gusto sana natin eh…sa publiko, malaki ang maitutulong nila sa contingency measures…yung tamang paggamit, pagtitipid – hangga’t maari mag-recycle or bawasan yung mga non-essential na paggamit ng tubig. Tayo, gusto nating i-manage yung kasalukuyang supply sa mga dams natin pero malaking bagay kung magtitipid yung kababayan natin,” ani David.
“Any volume na matitipid nila ay makakatulong sa karagdagang supply sa mga susunod na buwan hanggang sa susunod na taon,” dagdag niya.
Pinayuhan din ang water concessionaires na tiyaking maayos ang kanilang pipelines upang maiwasan ang leakage at pag-aaksaya ng tubig.
Bilang bahagi ng contingency measures, ibinaba ng NWRB ang water allocation para sa ilang gamit. Ang supply allocation ay nasa 44 cubic meters per second mula sa regular na 50 hanggang 52 cubic meters per second. Para naman sa irigasyon, itinakda sa 20 cubic meters per second ang allocation ngayong Oktubre, mula sa karaniwang 35 cubic meters per second.
Ayon kay DOST-PAGASA hydrologist Ailene Abelardo, normal pa ang water level sa mga pangunahing dam sa bansa, ngunit may bahagyang pagbaba sa ilang lugar, kabilang ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
“Base sa forecast rainfall ng climatology division ng PAGASA, for the month of October po, meron na pong kabawasan bahagya doon sa mga pag-ulan na mare-receive po or mararanasan ng mga dams natin sa Luzon kumpara sa normal. Posible ding mag-start ngayong Oktubre ang minimal na pagbabawas ng lebel ng tubig at sa mga susunod pa pong buwan…mas mababa ba kumpara sa normal,” ani Abelardo.
Samantala, sinabi ng DSWD na may mga barangay nang apektado ng El Niño sa Ilocos Norte, Oriental Mindoro, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Albay, Catanduanes, Cebu at Leyte, bukod sa iba pa.
Nakipamahagi na ang DSWD ng 43,504 family food packs at 3,660 water containers sa mga apektadong pamilya. Mayroon pa itong mahigit P1.4 bilyong standby funds at 3.8 milyong family food packs sa buong bansa. RNT/MDS