MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na huwag magpakalat ng haka-haka tungkol sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13 sa Pasay City.
Ayon sa PNP, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon at ilalabas ang resulta sa lalong madaling panahon.
Lumabas ang pahayag matapos kumalat online ang iba’t ibang teorya tungkol sa insidente. Nauna nang itinanggi ni Senate President Alan Peter Cayetano na “diversionary tactic” ang nangyaring karahasan sa Senado.
Pinabulaanan din ni Israelito Torreon, abogado ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang alegasyong “staged” umano ang kaguluhan upang maiwasan ng senador ang posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sinusuri nila ang lahat ng anggulo batay sa ebidensya at mga impormasyon na nakalap upang malaman ang buong katotohanan.
“We are looking into all the angles based on facts and all the pieces of evidence that we have,” ani Nartatez.
“We can get in order to come up with a clear picture of what really happened in the interest of truth, accountability and justice,” dagdag niya.
Kabilang sa mga ebidensyang nakalap ng mga imbestigador ang testimonya, CCTV footage mula sa Senado, at impormasyon mula sa isang naarestong suspek. Nakikipagtulungan din umano ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa imbestigasyon.
Bumuo rin ang Department of Justice (DOJ) ng special panel ng mga prosecutor upang imbestigahan ang mga pangyayaring naganap sa Senate complex mula Mayo 11 hanggang Mayo 14, 2026. Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, may kapangyarihan ang panel na magsagawa ng patas at masusing imbestigasyon at maglabas ng subpoena kung kinakailangan.
Noong Biyernes, ipinag-utos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang anim na buwang suspensyon kay acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na umano’y nagpaputok ng unang baril.
Iniimbestigahan din ng PNP ang alegasyong may mga pulis na tumulong sa isang black van na hinihinalang sinasakyan ni Senator dela Rosa palabas ng Senado noong Mayo 14.
Kinumpirma ni Pasay City police chief Police Colonel Joselito de Sesto na siya ang nasa puting police vehicle na nakita sa viral video kasama ang black van na umalis sa Senado bandang 3 a.m., ngunit itinanggi niyang nagbigay sila ng escort o logistical support dito.
Iniutos na rin ni Nartatez ang pagrepaso sa deployment records, dispatch logs, duty rosters, mobility reports, at body camera footage ng mga pulis na naka-assign sa paligid ng Senado noong araw ng insidente.
Iginiit din niya na walang kaalaman o pahintulot ang pambansang liderato ng PNP sa umano’y pag-alis ni dela Rosa mula sa Senado.
“As the chief of the PNP, I categorically state that the national leadership had no prior knowledge of, nor did it authorize any logistical assistance for, the departure of Senator Dela Rosa from the Senate premises,” ani Nartatez.
“Our deployment in the area was strictly confined to public safety, crowd control, and managing the perimeter following the highly volatile shooting incident that occurred hours prior,” dagdag niya.
Nanatiling mahigpit ang seguridad sa Senado matapos ang insidente sa tulong ng Pasay City police at National Capital Region Police Office.
Ayon pa kay Nartatez, nararapat lamang na malaman ng publiko ang katotohanan at tiniyak niyang ilalabas ng PNP ang resulta ng imbestigasyon sa lalong madaling panahon. RNT/MND