MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa kanilang bansa kaugnay ng umano’y operasyon ng illegal online gambling.
Kinilala ng BI ang suspek na si Lee Jonghak, 37, na nadakip ng BI Fugitive Search Unit sa isang bahay sa Pamplona Dos, Las Piñas City noong Abril 14.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Korean National Police Agency at Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group.
Napag-alaman na si Lee ay subject ng Interpol Red Notice na inilabas noong 2025, kaugnay ng arrest warrant mula sa Incheon District Court dahil sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea.
Sa imbestigasyon, lumalabas na mula Agosto 2021 hanggang kamakailan ay sangkot si Lee at kanyang mga kasamahan sa pagpapatakbo ng hindi bababa sa 23 illegal online gambling websites sa iba’t ibang lugar.
Pinaniniwalaang umaabot sa mahigit KRW 5.33 bilyon ang kita ng grupo mula sa operasyon, habang tinatayang lumagpas pa sa KRW 350 bilyon ang kabuuang kinita ng sindikato.
Iniulat din na nagsilbi si Lee bilang assistant manager na nangangasiwa sa ilang operational teams na may humigit-kumulang 300 empleyado.
Base sa rekord ng BI, huling pumasok sa bansa si Lee noong 2024 gamit ang probationary permanent resident visa, ngunit kalaunan ay isinama sa blacklist bilang undesirable alien.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, patunay ang pagkakaaresto sa pinaigting na koordinasyon ng Pilipinas sa international law enforcement laban sa transnational crimes.
Kasalukuyang sumasailalim sa booking at dokumentasyon ang suspek at ililipat sa BI Warden Facility habang hinihintay ang deportation proceedings. JAY Reyes