Home NATIONWIDE Puganteng Koreano na wanted sa fraud arestado ng BI; kasabwat na undocumented...

Puganteng Koreano na wanted sa fraud arestado ng BI; kasabwat na undocumented dinakip din

1
0

MANILA, Philippines — Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 65-anyos na South Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa kasong pandaraya, habang isa pang Korean national ang dinakip dahil sa pagiging undocumented sa Pilipinas.

Ayon sa BI, isinagawa ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang Korean National Police Agency (KNPA), ang operasyon laban kay Son Jongin, 65, sa isang residential area sa Barangay Comembo, Makati City noong Agosto 25, 2026.

Batay sa rekord ng BI, ipinaalam ng South Korean government sa ahensya na may arrest warrant laban kay Son na inilabas noong 2020 ng Nonsan Branch ng Daejeon District Court sa South Korea dahil sa paglabag sa kanilang Criminal Act kaugnay ng kasong fraud o pandaraya.

Natuklasan din na undocumented at overstaying si Son sa Pilipinas. Itinuturing din siyang fugitive from justice na maaaring maging banta sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Habang isinasagawa ang operasyon, nakumpirma rin ng mga awtoridad ang presensya ni Song Ung Il, 85, isa pang Korean national.

Ayon sa BI, may deportation order na laban kay Song mula pa noong 2015 dahil sa pagiging improperly documented sa Pilipinas.

Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga dayuhang tumatakas sa kanilang kaso sa sariling bansa.

“Foreign fugitives cannot expect to hide in the Philippines and evade the cases filed against them. We will find them, we will arrest them, and we will enforce our immigration laws,” ani Viado.

Pinuri rin ni Viado ang FSU at mga katuwang nitong law enforcement agencies sa patuloy na pagtugis sa mga dayuhang pugante at iba pang undesirable aliens.

Ayon sa komisyoner, mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng immigration laws ang pagtukoy at pag-aresto sa mga dayuhang maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad at pambansang seguridad.

Kapwa dinala ang dalawang Korean national sa BI Warden’s Facility, kung saan sila mananatili habang dinidinig at inaasikaso ang kani-kanilang kaso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here