MANILA, Philippines – MAKALIPAS ang mahigit isang taong pagtatago, nadakip na ng pulisya ang puganteng sentensiyado sa kasong panggagahasa matapos siyang matunton sa Caloocan City.
Hindi na nakapalag ang akusado sa kasong rape by sexual assault nang makorner ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen, Josefino Ligan sa kanyang tinutuluyang tirahan sa Jacinto St. Pagasa, Brgy. 175 dakong alas 3:30 ng hapon makaraang hindi na mahagilap matapos masentensiyahan ng hukuman sa nasabing kaso.
Bitbit ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) ang warrant of arrest na inilabas noong Mayo 2, 2024 ng Caloocan Regional Trial (RTC) Branch 1 laban sa akusado na napatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kinakaharap na kaso subalit, hindi na mahagilap matapos ang usapin.
Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility Unit ng NPD ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order mula sa korte kung sa Caloocan City Jail o sa New Bilibid Prison (NBP) na sa Muntinlupa siya ipipiit.
Wala namang nakalagay sa warrant kung ilang taong pagkakabilanggo ang hatol ng hukuman laban sa akusado bagama’t sa umiiral na batas, pagkakabilanggo ng mula 20 hanggang 40-taon o reclusion perpetua ang hatol sa kasong rape na isinagawa sa pamamagitan ng sexual intercourse. Merly Duero