MANILA, Philippines – Halos sarado na ang mga mata ng isang 25 anyos na lalaki matapos siyang suntukin ng negosyanteng US citizen sa isang hotel sa Maynila nitong Lunes, Mayo 12.
Kasalukuyang ginagamot sa Manila Medical Center ang biktima na kinilalang si Jade Gaduan, residente ng Pasig City.
Naaresto naman ng Lawton PCP ang dayuhan na si Derrick Thomas Steward, 38, at nanunuluyan sa Prince Hotel sa San Marcelino Street, Ermita, Manila.
Sa imbestigasyon, nangyari ang pananakit ng dayuhan sa biktima madaling araw ng May 12 sa loob ng kwarto ng nasabing hotel.
Bago ang insidente, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam ang biktima sa suspek na kanyang tiyuhin na umuwi muna sa Pasig City.
Tumanggi umano ang suspek dahil sa dahilang wala siyang makakasama sa naturang hotel.
Nang tangkaing umalis ng biktima, bigla siyang sinuntok nito sa mukha.
Bagamat nasaktan ang biktima, nagawa pa niyang makatawag sa lobby ng hotel sa pamamagitan ng telepono sa loob ng kuwarto at hinayaang itong naka-hang.
Agad namang rumesponde ang mga security guard at inawat ang suspek habang binubugbog ang wala nang malay na biktima.
Ang insidente ay agad ding iniulat sa Lawton PCP na siyang nagsagawa na ng imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden