BASILAN-NAGPAPAGALING ngayon sa ospital ang isang guro na magsisilbi sana bilang isang Board of Election Inspectors (BEI) ngayong araw ng halalan, Mayo 12, matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek, nitong Linggo sa bayan ng Lantawan.
Ligtas na sa tiyak na kamatayan ang babaeng guro na hindi pinangalanan ng pulisya matapos lapatan ng lunas ang sugatan nito matapos tamaan ng mga bala ng baril sa katawan habang masuwerte naman hindi tinamaan ang kanyang mister.
Ayon kay Western Mindanao Command Colonel Jay-jay Javines, naganap ang insidente umaga nitong Linggo, Mayo 11, 2025 sa Barangay Sumagdang, Lantawan, Basilan.
Sinabi ni Javines, galing Lantawan ang biktima angkas sa motorsiklo ng kanyang motoriklo at patungo sana ang mga ito sa Isabela City.
Subalit pagdating sa nasabing lugar ay bigla na lamang silang tinambangan ng mga armadong suspek at pinagbabaril saka tumakas.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip.
Kaugnay nito, mas pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) WestMinCom ang seguridad sa mga guro na nagsisilbing electoral board members at iba pang election-related assignments para hindi na muli pang maulit ang kaparehong insidente. Mary Anne Sapico