Home METRO Pulis binaril-patay kasunod ng napatay na asawa

Pulis binaril-patay kasunod ng napatay na asawa

MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang pulis tatlong araw lamang matapos na mapatay din ng hindi pa tukoy na mga salarin ang asawa nito.

Ayon kay Police Brigadier General Andre Perez Dizon, Bicol regional police director, kinilala ang pulis na si Patrolman Samuel Baruelo Jr, 31, na natagpuang-patay 1:30 ng hapon na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Barangay Buenasuerte.

Sa inisyal na imbestigasyon, umalis ng bahay ang biktima kung saan ginaganap ang lamay ng asawa, para sana maligo ngunit hindi na nakabalik pa.

Hinanap ito ng mga kaanak at natagpuan ang duguang katawan sa creek.

Noong Lunes, Marso 4, ay binaril-patay ang kanyang asawa na si Cheryl, sa Barangay Bagumbayan sa Masbate City.

Naglalakad umano pauwi ng bahay ang biktima nang lapitan ng dalawang hindi pa tukoy na kalalakihan at pinaputukan nang malapitan sa ulo.

Narekober ng pulisya ang basyo ng bala at isang slug sa lugar.

Samantala, nakatalaga ang napatay na pulis sa 1st Masbate Provincial Mobile Force Company.

Sinabi ni Lieutenant Colonel Maria Luisa Calubaquib, Bicol Police spokesperson, na inaalam pa nila ang motibo sa pagpatay at kung magkarugtong ang dalawang insidente. RNT/JGC

Previous articleWalang namomonitor na barko ng China sa Philippine Rise – PCG
Next articlePCG handang maging escort ng 2nd civilian caravan sa Scarborough Shoal