Home METRO Pulis namaril sa KTV bar 1 patay, 1 sugatan

Pulis namaril sa KTV bar 1 patay, 1 sugatan

119
0

DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya- Kasalukuyang pinaglalamayan ang isang mister habang nakipaglalaban pa kay kamatayan ang isa matapos na pagbabarili ng isang pulis sa loob ng KTV Bar sa Brgy. Malasin dito sa nasabing bayan.

Ang suspek ay isang Police Senior Master Sergeant, 44- anyos at radio operator ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na nasa pangangalaga ngayon ng Dupax del Norte PNP matapos ang pamamaril sa dalawang lalaki sa isang KTV bar sa Brgy. Malasin, Dupax del Norte.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj.Nova Lyn Aggasid, Public Information Officer ng NVPPO kay Provincial Director PCol. Jecthopher Haloc, isa ang patay matapos barilin ng suspek at isa rin ang nasugatan.

Ayon kay PMaj. Aggasid, naunang dumating ang suspek bago ang mga biktima kung saan nakatulog umano ito kaya ginising siya ng may-ari at umalis naman ngunit bumalik at doon na binaril ang mga biktima.

Namatay ang 30-taong gulang na dating SK Chairman ng Mabasa, Dupax del Norte na tinamaan sa kanyang ulo habang nasugatan ang 25-taong gulang na kasama nito matapos tamaan sa tiyan at ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Agad namang umalis ang pulis matapos ang insidente sakay ng kanyang motorsiklo at sa paghahanap sa kanya ng mga pulis, nakitang nakatulog sa isang waiting shed sa Brgy. Bitnong sa naturang bayan.

Dito na siya inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Limang basyo ng bala ng baril ang narekober ng mga awtoridad sa lugar ng insidente.

Agad naman aniyang nagbigay ng kautusan si PCol. Haloc sa mga mga chief of police sa lalawigan na i-account ang kanilang personnel para malaman kung saan ito nakadestino.

Personal din nitong binisita ang pulis at ayon sa kanya dala lamang ng kalasingan kaya nagawa niya ang pamamaril at hindi na nito maalala kung paano o anong dahilan kung bakit niya nagawa ang nasabing krimen.

Sasampahan naman ng kasong kriminal at administratibo ang nasabing pulis na nasa pangangalaga ngayon ng Dupax del Norte Police Station. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here