Home METRO 2 illegal aliens naharang sa NAIA

2 illegal aliens naharang sa NAIA

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang ilegal na dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagtangkang umalis ng bansa.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na magkahiwalay na inaresto sa NAIA terminal 3 ang mga dayuhan bago sila makasakay sa kanilang mga outbound flights.

Kinilala ang mga pasahero na sina Indian national Ram Baldev, 43, na nahuli noong Oktubre 23, at Australian Peter Anthony McFarlane, 65, na naharang kinabukasan.

Sinabi ni Viado na ang dalawang pasahero ay hindi pinayagang umalis matapos makita ng mga opisyal ng BI ang mga pagkakaiba sa kanilang dokumentasyon.

“A check of our travel database later confirmed both of them have no arrival record, thus bolstering our suspicion that they are illegal entrants,” ayon sa BI chief.

Ayon sa BI, ang illegal entrants ay tumutukoy sa mga dayuhan na dumarating sa bansa nang hindi pumasa sa inspeksyon ng mga awtoridad sa imigrasyon at walang kaukulang mga dokumento.

Sina McFarlane at Baldev ay itinurn-over sa mga tauhan ng border control and intelligence unit (BCIU) at inilipat sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang mga paglilitis sa deportasyon.

“They will be included in our blacklist and banned from re-entering the Philippines after they are deported,” ani Viado. JR Reyes