Home METRO Higpit-seguridad pinairal sa BARMM para sa COC filing

Higpit-seguridad pinairal sa BARMM para sa COC filing

MANILA, Philippines- Nag-deploy ng karagdagang tauhan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) sa Bangsamoro region bago ang filing ng certificates of candidacy (COCs) para sa kauna-unahang parliamentary elections sa lugar, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang pagtaas ng presensya ng mga kasundaluhan at pulisya ay makatutulong upang masiguro ang kapayapaan at seguridad ng proseso ng COC filing sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Nob. 4, Lunes hanggang Nob. 9, Sabado.

Bagama’t malugod niyang tinanggap ang pagtaas ng presensya ng pulisya at militar, iginiit ni Garcia na hindi dapat tingnan na itinuturing ng gobyerno ang BARMM bilang pugad ng karahasan sa botohan.

Ayon kay Garcia, sinisigurado lang na may sapat na pwersa bilang standbay basis sakaling kailanganin.

Sinabi ni Garcia na ang paghahain ng COc para sa midterm polls mula Okt.1 hanggang 8 ay payapa sa pangkalahatan maliban sa isang insidente.

Tinutukoy ni Garcia ang insidente ng pamamaril noong Okt. 8 sa Shariff Aguak, Maguindanao na nag-iwan ng isang namatay at limang iba pang sugatan.

Nitong Linggo, nagpahayag ng kumpiyansa si Garcia na mapananatili ng AFP at PNP ang kapayapaan at kaayusan, hindi lamang para sa paghahain ng COCs kundi hanggang sa Eleksyon 2025.

Inihayag din ni Garcia ang kanyang pagnanais, gayunman, na ang mga nasa likod ng mga marahas na gawain ay agad na arestuhin at kasuhan. Jocelyn Tabangcura-Domenden