ILOCOS SUR-Sugatan ang isang pulis matapos sumemplang ang minanamaneho nitong motorsiklo nang mabangga nito ang isang asong-gala sa Brgy. Dardarat, Tagudin ng lalawigang ito kahapon ng umaga, Mayo 22.
Kinilala ng Tagudin Municipal Police Station ang driver ng Yamaha NMAX 155 motorcycle na si Patrolman Noel Agyapas y Pacling, 27, walang asawa, PNP member, residente ng Brgy. Urzadan, Suyo, Ilocos Sur, nakatalaga sa Tagudin Municipal Police Station.
Bumibiyahe papuntang timog na direksyon ang biktima nang biglang tumawid ang isang asong-gala.
Dahil dito, nabundol ng motorsiklo ang asong-gala sanhi para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver hanggang sa matumba sa kalsada ang motor nito.
Nagtamo ng fracture sa kanyang kaliwang balikat at gasgas sa katawan ang driver ng motorsiklo.
Ang driver ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa bayang ito ng mga rumespondeng MDRRMO personnel. Rolando S. Gamoso