Home NATIONWIDE DOH nagbabala sa mga sakit dulot ng La Niña

DOH nagbabala sa mga sakit dulot ng La Niña

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagkalat ng sakit na maaaring maging laganap lalo na ngayong ang bansa ay lumilipat mula sa tag-araw patungo sa tag-ulan.

Sa isang pampublikong briefing, tinawag ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo ang mga naturang sakit bilang “WILD,” na nangangahulugang water and food-borne disease; mga sakit na tulad ng trangkaso; Leptospirosis; at Dengue.

Sinabi ni Domingo na ang water and food-borne diseases ay kabilang ang food poisoning na nangyayari kapag ang tao ay nakainom ng kontaminadong tubig na nagresulta ng gastroenteritis.

Samantala, ang ubo, sipon at sore throat ay kabilang sa influenza-like illnesses.

Sinabi ni Domingo na ang mga sakit na ito ay nakikita sa kasalukuyan dahil nagbabago ang panahon.

Binanggit din niya na ang mga kaso ng COVID-19 ay inoobserbahan, ngunit pinayuhan ang mga may sintomas na magpasuri dahil may posibilidad na ito ay sanhi lamang ng pagbabago ng panahon o allergy.

Pinaalalahanan din ng Health official ang mga tao na iwasan ang paglusong sa tubig baha sa darating na tag-ulan. Kung hindi maiiwasan, sabi ni Domingo, maligo kaagad.

Kumonsulta sa doktor kung ang tao ay may bukas na sugat dahil maaari itong magkaroon ng leptospirosis.

Ang leptospirosis ay sanhi ng bacteria na leptospira mula sa ihi ng mga hayop. Kasama sa mga sintomas nito ang lagnat, panginginig, conjunctival suffusion, sakit ng ulo, at jaundice.

Pinayuhan din ni Domingo ang publiko na magsuot ng mahabang damit at maglagay ng mosquito repellant lotions o spray upang maprotektahan ang sarili mula sa dengue.

Nauna nang iniulat ng DOH na ang mga kaso ng dengue sa buong bansa ay bumagsak mula 5,380 kaso na naitala mula Marso 24 hanggang Abril 6, sa 3,634 mula Abril 21 hanggang May 4.

Ito ay katumbas ng 30% na pagbaba sa kabila ng mas madalas na mga pag-ulan na nararanasan sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden