Home OPINION PUMALPAK NANG MAGKAWATAK-WATAK

PUMALPAK NANG MAGKAWATAK-WATAK

207
0

ILANG araw pa lang bago maganap ang mga rally laban sa korapsyon at pandarambong na nagmula sa mga anomalya sa flood control projects, alam na nating papalpak ang mga ito.

Ang mga palatandaan?

Hiwa-hiwalay ang mga lugar na inanunsyong pagdarausan ng mga rally at naganap nga.

Mayroon sa Luneta, sa Edsa Shrine at Edsa Monument, sa Camp Aguinaldo at sa Liwasang Bonifacio.

Klarong magkakaiba rin ang mga organizer.

Pangunahing militante ang namuno sa Luneta, mga dating nauugnay sa 1986 Edsa revolt ang sa Edsa, mga dating sundalo at pulis ang sa Camp Aguinaldo, mga pro-Duterte ang sa Liwasang Bonifacio.

Ang iba, naglagareng hapon.

‘Yun bang === nagpakita sa Luneta, sa Edsa, sa Liwasang Bonifacio at sa Camp Aguinaldo.

MGA SIMBAHAN WATAK-WATAK DIN

Hiwa-hiwalay rin ang mga simbahan o religious group.

Ang mga Aglipayano at ilang paring Katoliko at protestante, pumunta sa Luneta habang ang mga obispong Katoliko at ilang pastor na protestante sa Edsa.

May mga naglagareng-hapon din at pumunta sa Luneta, Edsa, Camp Aguinaldo at Liwasang Bonifacio.

MGA ISYU AT GULO

Nagkawatak-watak din ang mga isyung dala ng mga grupo.

May nagdala ng Marcos resign na kinontra ng iba at iba ang mga inginusong dapat mag-resign.

May nagdala ng Marcos resign at idinamay na ang mga Duterte, Aquino at Macapagal-Arroyo habang hanggang sa korapson at pandarambong lang ang iba.

‘Yung iba, nagpasimula ng gulo sa Mendiola na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng ilan.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, may 200 katao ang nasangkot sa gulo, pagpatay at paninira sa mga ari-ariang pribado at publiko.

Nahaharap na sila sa sari-saring kaso, kasama ang sedisyon na krimen laban sa pamahalaan.

HIGIT NA PALPAK KAYSA TAGUMPAY

May kanya-kanyang paninindigan sa ibinunga ng mga rally.

Para sa mga dating sundalo, may tagumpay gaya ng pagbibitiw ni Romualdez at umasa silang sa kanilang estilo, may susunod pang mga tagumpay para sa pagbabago.

Ang iba, sapat na umanong nakita ng pamahalaan ang malakas at malawakang boses ng mga mamamayan laban sa korapsyon, pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan at dapat na umayos ang gobyerno rito.

Para naman sa iba, tinangkang hatakin sa istayl Nepal ang rally ngunit nabigo.

Sa Nepal, nagtagumpay ang rally ng mga mamamayan, lalo na ang tinatawag na Gen Z at iniupo nila bilang Pangulo ang isang dating babaeng Chief Justice, kapalit ng nag-resign na prime minister na namatayan ng asawa sa mga panununog na isinagawa ng mga raliyesta.

Para naman sa marami, dahil sa halatadong pagsusulong ng kanya-kanyang pansariling interes na nakalito at nakalikha ng pagdududa sa layunin ng bawat grupo, mas pinili na lang nila ang manahimik at hindi sumali sa kabila ng panawagan na sumali sila.

At sa 2028 na lang sila magtatapon ng basura at itira ang dapat itira sa pamahalaan.

Dahil sa mga ito, itinuring sa kabuuan na higit na palpak ang mga rally kaysa tagumpay.

Sey niyo, mga Bro?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here