COTABATO CITY – Inanunsyo ng mga awtoridad nitong Sabado, Setyembre 8, ang pagkakaaresto sa isa sa mga suspek sa pagpatay sa hepe ng pulisya ng Ampatuan, Maguindanao del Sur, dalawang taon na ang nakararaan.
Kinilala ni Col. Roel Sermese, Maguindanao del Sur police director, ang suspek na si Salah Tunda, 50, isa sa top 10 wanted persons sa lalawigan at miyembro ng local terror group na Dawlah Islamiyah (DI) Hassan faction.
“Naaresto si Tunda noong Biyernes sa Purok 2, Barangay Poblacion, bayan ng Ampatuan,” ani Sermese sa isang radio interview.
Isinilbi ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 15 laban sa suspek dakong ala-1 ng hapon.
“Hindi tumanggi si Tunda sa pag-aresto,” sabi ni Sermese.
Isa aniya si Tunda sa mga suspek sa pananambang sa pagpatay kay Ampatuan police chief Lt. Reynaldo Samson at driver nitong si Cpl. Salipudin Endab, noong Agosto 30, 2022.
Sina Samson at Endab ay napatay sa lugar, habang tatlo pang pulis na nakipaglaban sa mga sumalakay ay nasugatan.
Sinabi ng mga awtoridad na ang iba pang suspek sa pananambang ay sina Abdulnasser Sabtulah Guianid, Guiapar Abdulkarim, Johari Abdulbasser Guinaid, Phepe Saptulah, Abdullah Sapal, Bobot Kamsa, at Kamir Kamsa, na pawang nasa ilalim ng DI group na nag-ooperate sa lalawigan.
Si Tunda ang ikalawang suspek na inaresto ng pulisya ngayong taon.
Noong Mayo 29, inaresto ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao si Kamir Kamsa sa isang pribadong ospital sa Midsayap, North Cotabato.
Noong panahong iyon, naka-confine si Kamsa sa Anecito T. Pesante Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Midsayap dahil sa sakit. RNT