Home NATIONWIDE Pumiyok na ‘di hinoldap ng rider, bebot swak sa mga kaso

Pumiyok na ‘di hinoldap ng rider, bebot swak sa mga kaso

Manila, Philippines-Patong-patong na mga kasong kriminal ang posibleng kakaharapin ng isang pasahero matapos nitong bawiin ang kanyang alegasyon na hinoldap siya ng nasakyang rider mula sa isang moto-taxi platform.

Sa isang interbyu, sinabi ni Police Col. Samuel Pabonita, hepe ng Pasay City Police, nakaplanong sampahan ng kasong cyber libel ng Move It rider na si Vicente Young si alyas “Annie” dahil sa naranasan niyang pag-aalala at kahihiyan sa social media sanhi ng mga kasinungalingang pinasimulan at ipinagkalat ng babaeng pasahero.

Maging ang Pasay PNP ay nakahandang magsampa ng perjury case, lalo’t binawi na ni “Annie” ang maling paratang kay Young at nag-public apology pa ito sa programang “Raffy Tulfo in Action” ni Sen. Raffy Tulfo.

“Ito (may) sinumpaang salaysay siya, nag-sworn siya, sinasabi, ganun, nagbibigay siya ng maling impormasyon, it constitutes ah, may pananagutan siya roon, sa atin ay pwede natin siyang kasuhan ng perjury kasi mali ang information na binibigay niya sa atin,” ani Pabonita sa kanyang interbyu sa isang TV report.

Kapag napatunayang nagkasala sa mga nasabing kaso, maaaring mahatulan si “Annie” ng pagkakakulong na maaaring umabot nang 10 taon kasabay ng pagbabayad ng danyos.

Sa kanyang Facebook post noong Martes, nanawagan naman si Young sa mga netizen na maging mapagmatyag sa pagbabasa, pag-react, at pag-comment sa mga social media post kahit pa galing ang mga ito sa mga account o page na may maraming followers.

“Sa mga agad-agad nanlait sa akin at sa mga kapwa ko rider nung na-post ang peke na kwento, sana maging leksyon to sa tin lahat. Sana bago tayo mag-comment, mag-react, at manghusga base lang sa social media post ay suriin nating mabuti ang mga ito dahil ang mga alegasyon sa social media, maaring kabuhayan at buong buhay na ng isang tao. God bless na lang din sa inyo,” aniya. RNT