Home NATIONWIDE Panukalang 2025 nat’l budget tinalakay ng liderato ng Kamara, Senado

Panukalang 2025 nat’l budget tinalakay ng liderato ng Kamara, Senado

MANILA, Philippines- Kabilang ang panukalang 2025 national budget sa mga prayoridad na tinalakay ng liderato ng Kamara at Senado sa kanilang pulong noong Huwebes.

Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na ipagpapatuloy ng Kamara ang paglalaan ng pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa susunod na taon.

“Pagkatapos ng SONA, isusumite na naman ‘yung budget sa year 2025, kaya doon nalang ‘yung kasunduan na pinag-uusapan ng House and Senate. ‘Yun ang pinakamabigat at pinakamalaking legislation,” pahayag ni Romualdez sa isang panayam.

“Napakaganda ang TUPAD payout para sa magsasaka. Itutuloy natin ang programa sa susundo na budget,” dagdag niya.

Sinabi pa ng House Speaker na tila nagkakasundo na ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa proposed amendments sa Rice Tariffication Law. Sa kanyang pulong kay Senate President Francis Escudero nitong Huwebes, tinukoy ang panukala na naglalayong amyendahan ang RTL na kabilang sa “top priority.”

“Mukhang nagkakasundo na ang House at ang Senate at mukhang malapit na matatapos din at magkakaroon tayo ng magandang resolusyon,” wika ni Romualdez. RNT/SA