Home METRO P143M shabu nasabat ng PDEA-BARMM sa loob ng 5 buwan

P143M shabu nasabat ng PDEA-BARMM sa loob ng 5 buwan

COTABATO CITY- Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mahigit P143 milyong halaga ng meth mula Enero ng kasalukuyang taon.

Nitong Huwebes, sinabi ni Director Gil Cesario Castro ng PDEA-BARMM na sa kasalukuyan, mahigit 22 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat sa 519 anti-drug operations sa buong rehiyon.

Nasa 62 drug personalities naman ang naaresto sa iba’t ibang oerasyon sa mga lalawigan ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi, at sa mga lungsod ng Cotabato, Marawi at Lamitan.

“This is the biggest accomplishment of PDEA-BARMM since the autonomous government was set up,” ani Castro sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) program sa Bangsamoro Government Center sa lugar na ito.

Sinabi ni Castro na tinukoy ng PDEA ang 57 personalidad na responsable sa pagpapakalat, distribusyon, at pagbebenta ng shabu sa rehiyon na kailangan nilang tugisin.

Aniya, natukoy ang bigtime drug personalities sa tulong ng Bangsamoro Anti-Illegal Drug Task Group.

“We will not rest on our laurels but we will be relentless, decisive and determined to bring them behind bars,” giit ni Castro.

“Our campaign will not end in anti-drug buy-bust operations, but we will run after druglords with the help of the Anti-Money Laundering Council,” dagdag niya.

Nasamsam ng PDEA agents at iba pang law enforcers ang “biggest drug haul” sa Lanao del Sur kung saan P34 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska noong April 8.

Sinundan ito ng pagkakasabat ng P13.6 milyong halaga ng shabu sa buy-bust sa Indanan, Sulu, at sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur noong Mayo 1.

Sinisilip ng anti-narcotics operatives ang posibilidad na mapupunta ang mga ilegal na drogang ito at pondong nakalap mula sa pagbebenta ng mga ito sa mga kamay ng mga politiko sa paghahanda para sa eleksyon sa susunod na taon sa Bangsamoro region.

Umaasa si BARMM Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim na ang paglulunsad ng BIDA program ay makalilikha ng mas ligtas na rehiyon para sa mga Bangsamoro.

“This launching marks a pivotal moment in our ongoing efforts to create a safer, healthier Bangsamoro. Through the BIDA program, we are empowering our communities to reject drugs and embrace positive change,” ani Ebrahim sa pahayag na binasa ni BARMM Senior Minister Abunawas “Von Al-Haq” Maslamama. RNT/SA