MANILA, Philippines Kailangan pa ring ipagkaloob ng establisimiyento ang diskwento at benepisyo ng isang person with disability (PWDs) kahit kaduda-duda ang iprinisinta nitong ID.
Iginiit ng Department of Justice (DoJ) na hindi maaaring tanggihan ng mga establisimiyento ang PWD ID kahit kaduda-duda ito dahil paglabag ito sa karapatan ng isang PWD.
Ito ang nakasaad na legal opinion ng DOJ kaugnay sa pagtanggi ba ibigay ang pribelehiyo sa isang PWD dahil sa posibilidad na peke ang ipinakitang ID card.
“This constitutes a violation of the rights of PWDs to avail themselves of benefits and privileges.”
Sinabi ng DOJ na batay sa RA 10754 o Magna Carta for PWDs, hindi kailangang iberipika ang PWD ID card para maipagkaloob ang kanilang benefits at privileges.
“A mere submission or presentation of a PWD ID card and other pertinent requirements, if applicable, would suffice in order for a PWD to avail himself/herself of the benefits and privileges.…”
Mayroon ding inilabas na mga alituntunin ang mga ahensya ng gobyerno hinggil dito.
Inilabas ng DOJ ang legal opinion batay sa kahilingan ni National Council on Disability Affairs Officer-In-Charge Executive Director Dandy C. Victa para matugunan ang alalahanin ng mga establisimiyento at local government units (LGUs) hinggil sa isyu ng mga naglalabasang pekeng PWD cards. Teresa Tavares