Home NATIONWIDE DOJ pumalag socmed post ni retired Police Brig. Gen. Narciso Domingo

DOJ pumalag socmed post ni retired Police Brig. Gen. Narciso Domingo

MANILA, Philippines- Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na ituloy ang kasong kriminal laban sa dating hepe ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) na si retired Police Brig. Gen. Narciso Domingo kaugnay sa gawa-gawang anti-illegal drugs operation sa Manila kung saan narekober ang P6.7 bilyong halaga ng shabu noong 2022.

Sa kabila ito ng mga pahayag sa social media ni Domingo na nagkamali ang DOJ sa pagsasampa sa kanya ng kaso.

Sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony D. Fadullon na malaya naman si Domingo na gamitin ang lahat ng legal na paraan upang kwestyunin ang desisyon ng DOJ.

Hindi aniya tama na idaan sa social media ang lahat para lamang makakuha ng simpatiya sa publiko.

Sinabi ni Domingo sa kanyang social media posts na nakipagpulong pa siya kay DOJ Secretary Jesus Crispin C. Remulla at Fadullon para tumulong maging malakas ang kaso laban kina Mayo at sa iba pang akusado.

Aminado naman si Fadullon na nakipagpulong sila kay Domingo ngunit upang malaman ang panig nito sa naganap na operasyon.

“If I were to follow the arguments of PGen. Domingo, it would appear that because he came to see the SOJ (secretary of justice) in 2022, he should be absolved of any liability,” ani Fadullon.

Si Domingo at 29 iba pang dati at kasalukuyang miyembro ng PNP ay kinasuhan sa ng DOJ sa Manila RTC ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pagtatanim ng ebidensya at pag-delay sa prosekusyon ng kaso.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y buy-bust operation laban sa WPD Lending sa Tondo na nagresulta sa pag-aresto kay Nely Saligumba Atadero at pagrekober sa 990 kilo ng shabu. Naaresto rin sa operasyon sa pamamagitan ng hot pursuit operation si PMSG Rodolfo B. Mayo. Teresa Tavares