QUEZON CITY — Walang nakitang kahina-hinalang bagay o sitwasyon sa Quezon City Hall compound matapos makatanggap ang lokal na pamahalaan ng bomb threat nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 17.
Ayon sa Quezon City Government, ipinadala ng isang hindi pinangalanang indibidwal ang banta sa opisyal nitong Facebook page.
Agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa Quezon City Police District (QCPD) at Safety and Security Cluster ng lungsod.
Nagsagawa ang mga awtoridad ng sweeping, paneling at inspection sa loob ng compound at lahat ng gusali ng City Hall ngunit wala silang nakitang anumang kahina-hinalang bagay.
Iniimbestigahan na ng QCPD, katuwang ang PNP Anti-Cybercrime Group, ang pinagmulan ng banta at ang pagkakakilanlan ng nasa likod nito.
Binalaan din ng lokal na pamahalaan ang publiko laban sa paggamit ng bomb threat bilang biro o pananakot.
Hinimok naman ang sinumang may impormasyon kaugnay ng insidente na makipag-ugnayan sa mga awtoridad o tumawag sa QC Helpline 122. RNT