MANILA, Philippines — Hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na obligahin ang prosekusyon na alisin sa trial brief nito ang walong karagdagang insidente kung hindi ito hihingi ng pahintulot para maisama ang mga ito sa kasong kinakaharap ng dating pangulo.
Sa mosyong inihain sa Trial Chamber III, iginiit ng kampo ni Duterte na ang walong insidente ay naglalaman umano ng mga bagong material facts at lumalampas sa saklaw ng mga kasong kinumpirma para sa paglilitis noong Abril.
Naunang kinumpirma ng Pre-Trial Chamber ang tatlong counts ng murder at attempted murder bilang crimes against humanity na inilalarawan sa 49 insidente. Sa trial brief ng prosekusyon, nadagdagan ito ng Incidents 50 hanggang 57.
Anim sa mga bagong insidente, Incidents 50 hanggang 55, ay kaugnay ng Count 3 na tumutukoy sa mga umano’y pagpatay sa barangay clearance operations, habang ang Incidents 56 at 57 ay isinama sa Count 2 na may kinalaman sa mga umano’y pagpatay sa tinaguriang high-value targets.
Ayon naman sa prosekusyon, saklaw pa rin ng mga kinumpirmang kaso ang walong insidente dahil umano’y nangyari ang mga ito sa loob ng panahon at mga lugar na sakop ng mga alegasyon laban kay Duterte. Tinukoy ng prosecution trial brief ang Incidents 50 hanggang 57 bilang dagdag sa “non-exhaustive list” ng mga insidenteng naunang iniharap.
Giit ng depensa, hindi sapat na nasa parehong panahon o lugar ang mga bagong insidente dahil nakabatay umano ang mga ito sa panibagong ebidensya, mga biktima at iba pang factual circumstances.
Hiniling nito sa Trial Chamber III na atasan ang prosekusyon na humingi muna ng pahintulot para idagdag ang walong insidente o, bilang alternatibo, tanggalin ang mga ito sa trial brief.
Nakatakdang resolbahin ng ICC chamber ang usapin habang nagpapatuloy ang paghahanda para sa paglilitis kay Duterte sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa kampanya kontra ilegal na droga. RNT