QUEZON CITY, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) na nakatakdang sampahan ng kaso ang isang bus driver na sangkot sa isang malaking banggaan ng maraming sasakyan na naganap ng Huwebes, Agosto 28, 2025, (Huwebes) sa kahabaan ng Commonwealth Avenue corner Doña Carmen Avenue, Barangay Commonwealth, Quezon City.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) sa ilalim ng PLTCOL GEOFFREY LIM, nalaman na ang UD PKB212 bus na minamaneho ni alyas “Ronaldo,” 36 taong gulang, residente ng San Jose del Monte, Bulacan, ay bumangga sa isang Toyota Corolla sedan, na nagdulot ng chain-reaction crash na kinasasangkutan ng maraming sasakyan, at construction site dakong alas 6:55 ng umaga.
Kaugnay nito nasira ng banggaan ang isang Toyota Corolla sedan, isang Isuzu UV Express, isang Golden Dragon modern jeepney, isang Isuzu traditional jeepney, anim (6) unattended parked motorcycles, ang tent structure ng Bureau of Animal Industry’s inspection site, at ang perimeter fence ng MRT-7 Doña Carmen Station construction site.
Nabatid pa sa ulat ng QC police trapik na nagtamo ng physical injuries ang ilang hindi pa nakikilalang pasahero at isinugod sa Rosario Maclang Bautista General Hospital para malapatan ng lunas. Ang lahat ng mga sasakyang kasangkot ay dumanas ng iba’t ibang antas ng pinsala, na ang kabuuang halaga ay nasa ilalim pa rin ng pagtatasa.
Samantala nahaharap ang driver ng bus ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Damage to Property and Multiple Physical Injuries ay inihahanda laban sa driver ng bus.
Kaugnay nito hinikayat ng QCPD DDDA/OIC, PCOL RANDY GLENN SILVIO, ang mga motorista na mag-ingat kapag binabaybay ang Commonwealth Avenue, isa sa pinaka-abalang at pinakamalawak na kalsada sa Metro Manila, upang maiwasan ang mga aksidente na nagsasapanganib sa buhay at ari-arian. (Santi Celario)