MANILA, Philippines – Dalawang panukalang batas ang inihain na ng Quad Comm kung saan ituturing ang extra-judicial killing (EJK) bilang heinous crimes at panukalang nagsusulong ng pamalagiang pagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Naganap ang paghahain ng dalawang panukala bago isagawa ang ika-walong pagdinig ng Quad Comm at naihain ang House Bill 10986 na nagsusulong sa EJK bilang heinous crime at ang House Bill No. 10987 ukol sa pagbabawal sa POGO na nagdala ng mga iligal na gawain sa bansa, krimen na ngayon ay iniimbestigahan at nagsapanganib sa pambansang seguridad.
Kabilang sa mga naghain sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, Quad Committee Chairs Robert Ace Barbers, Dan Fernandez, Bienvenido “Benny” Abante Jr., at Joseph Stephen “Caraps” Paduano, kasama sina Reps. Romeo Acop, Johnny Pimentel, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, Rodge Gutierrez, Paolo Ortega V, Jay Khonghun, at Jonathan Keith Flores.
Banggit sa panukala na “several raids conducted by law enforcement agencies on illegal POGO hubs reveal cases of kidnapping, illegal detention, human trafficking, prostitution, and tortures.”
Dagdag pa sa inihaing panukala na “further, the authorities suspect that illegal POGOs are likewise involved in cybercrime, investment scam, money laundering, tax evasion and other fraudulent practices.”
Ayon sa HB 10987, na nakaaalarma na ang usaping pang-seguridad sa bansa nang iulat ng Department of National Defense na ang POGO ay ginagamit ng international criminal syndicates.
Minaliit din sa huling panukala ang benepisyong nakamit ng Pilipinas sa POGO dahil nasa 0.2 porciento lamang ito ng GDP noong 2023.
“While banning the conduct of POGO and POGO-related activities and services comes with potential economic losses, allowing them to proliferate comes with the long-term and much higher cost to public safety and institutional integrity,” banggit pa rin ng mga may-akda sa panukala.
Sa makalalabag sa Anti-Offshore Gaming Operations Act ay maaaring patawan ng 10 taong pagkabilanggo at multa hanggang P10 milyon kung paulit-ulit ang pagkahuli.
“It is necessary to enact a law to ensure that anti-POGO measures are institutionalized, thus, this proposed measure,” giit pa ng may-akda. Meliza Maluntag