LEGAZPI CITY, Philippines – Sinuspinde ni Albay Governor Noel Rosal ang quarry operations sa lalawigan dahil sa ilang napaulat na kaso ng over-extraction sa iba’t ibang quarry sites.
Nilagdaan ni Rosal ang Executive Order (EO) No. 21 noong Lunes ng gabi at mananatiling may bisa hanggang Nobyembre 3, 2025, maliban kung bawiin o palawigin.
Batay sa EO: “Undeniably, over-extraction and quarrying activities within prohibited areas lead to serious environmental impacts, such as changes in the natural flow of rivers, river siltation, flooding, and soil erosion. The recent flooding in Barangay Masarawag, Guinobatan, Albay, is a testament to this.”
Sa mga may hawak ng valid quarry permit, pinahihintulutan silang gamitin ang kanilang mga stockpile na umiiral sa petsa ng EO.
Idinagdag ni Rosal na sa loob ng pitong araw ng pag-isyu, inaatasan ang PENRO na i-tabulate ang dami ng stockpiles mula sa bawat quarry permittee sa Albay.
“Once the tabulation is complete, the existing stockpiles may be disposed of and utilized under the close supervision and monitoring of the Provincial ENRO, while adhering to all existing laws and regulations governing the disposal and utilization of quarry materials,” aniya.
Iniutos ni Rosal ang komprehensibong pag-audit ng quarry operations kasama ang mga kinatawan mula sa PENRO, Mines and Geosciences Bureau, Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau, at Albay Public Safety and Emergency Management Office.
Ang audit team ay inaasahang magsumite ng isang detalyadong ulat na naglalaman ng mga ekolohikal at geological na panganib na nauugnay sa kasalukuyang mga quarry site, mga komprehensibong plano sa rehabilitasyon, at mga reporma sa patakaran para sa sustainable quarrying, pati na rin ang mga dokumentadong paglabag sa mga operasyon ng quarrying at mga rekomendasyon para sa pagtugon sa bawat paglabag.
Babawiin ang mga permit at pagbabawalan nang kumuha pa nito sa loob ng limang taon mula sa petsa ng pagbawi ang mga quarry operator na magsasagawa ng mga operasyon sa panahon ng pagsususpinde.
Samantala, ang mga walang permit na magsasagawa ng mga aktibidad sa pag-quarry ay paparusahan at kakasuhan. RNT/MND